Late-March 2012. Isang panibagong simula na naman. Ganun naman talaga ang buhay ‘di ba? Kung alam mong nagkamali ka ay maari kang bumalik sa dati upang umayos muli ang daang tinatahak mo at huwag na magpatuloy sa isang lugar na hindi mo naman magugustuhan ang patutunguhan.
—
January 2012. Isa na namang About Me page. Magkukwento na naman ako tungkol sa sarili ako. Hmmmm, ilang taon na rin akong netizen. Wala pang Facebook, Twitter o Tumblr non. At nakailang blog na rin ako. Marami-raming URLs din. Tabulas, geocities, blogista, awardspace, i.ph, idlip, kundiman, tumblr, sudocode*. Hindi na ako sigurado kung ilan na ang nagawa kong blog entries. Libo na rin siguro ano? O baka hinde.
Dyan-dyan lang yung mga sinulat ko. Tula, kwento, yung iba totoo, yung iba hinde, yung iba medyo, yung iba sana, yung iba sana hinde. Yung iba me mga pangalan, yung iba wala, at meron ding hindi ko nga alam kaya hindi ko mailagay.
May mga madrama, meron ding masaya, mga wala lang, me saysay at mga wala naman. Madami-dami na din kaya masasabing matanda na ako talaga.
Hmmmm, kunin ko na lang yung about me page na sinulat ko para sa kundiman.
— http://kundiman.net/about/komski
July 2008. Sa loob ng apat na taon ay nagbago-bago na rin ang aking mga sinusulat. Nung una’y ikinukwento ko ang mga nangyayari sa aking araw, sa iskul, sa klase, sa biyahe. Kasi naman, unang sabak ko sa kolehiyo at buhay Maynila. Iba ang karanasan, nakakapanibago.
Isang blog naman sa tabulas ang nakapagpasulat sa akin ng isang tula. Ewan, nuong una’y dahil lang sa wala akong magawa kaya ako nagsusulat, wala ngang sense yung mga sinusulat ko. Ngunit nung lumaon ay naihabi ko ang aking sariling buhay at mga karanasan sa aking mga tula. Nasanay na akong isingit sa mga taludtod at mga tugma ang aking mga nararamdam, ang poot at saya, lungkot at ligaya, ang paghanga at pagdusta, ang mga luha at tuwa, ang galit at sakit, at kung anu-ano pang mga halu-halong drama.
Sobrang gusto ko ang aking mga tula.
Sunod ay hindi ko naman namalayan na nagsimula na rin akong magsulat ng mga kwento, sa paraan kung saan parang naka-speaker mode ang utak ng tauhan habang kinakausap ang sarili. Hanggang ngayon, ganun ko pa rin sinusulat yung mga kwento ko. Minsan kathang-isip lang, minsan totoo, madalas halo.
Mapapansing naging tema ko ang aking mga crush. Ang paghanga sa kanila ang aking naging inspirasyon.
Isa sa mga nakapagpaimpluwensya sa aking magsulat ng mga kwento ay ang isang serye ng manga, ang Salad Days, na dati ay pinadownload sa akin ang lahat ng volumes ni Tina. Bawat volume nito ay naglalaman ng tatlo o apat na mga maiigsing kwento ng pagsisimula ng pag-ibig at pagkakagusto ng dalawang tao. Mapamasaya’t malungkot, madrama o maaksyon, isinalaysay nito ang mga oras kung saan ang tibok ng puso’y nasa rurok, at ang isipa’y tuliro. Masarap magsulat ukol sa ganitong nararamdaman, ng sa humahanga’t nagmamahal.
Nag-iba ang lahat ng ito nang ang aking mga isinusulat ay naging isa sa mga mabibigat na dahilan ng pagkasira ng aking unang relasyon. Kaya’t natigil ang mga tula, ang mga tugma, at mga kwentong puno ng namumulaklak na mga salita. Bumalik ako sa blog na tungkol sa aking pang araw-araw na buhay.
Pero nasasayangan ako din ako kahit papano. Gusto ko ulit magsulat gaya ng dati. Sinusubukan ko pa rin, kahit paunti-unti. Pero masasabi kong mas madaling mapagalaw ang pluma sa mga pagkakataong mabigat ang nadarama. Mas madaling mapalabas ang mga salitang nagmumula sa isang malungkot na puso, kasabay ng mga luhang pumapatak mula sa mga mata.
Anu nga kayang ang sunod kong isusulat pagkatapos nito?
——–
January 2012. Tingin ko ngayon na andito na ako sa Posterous e mukhang nagbabalik na yung dati kong pagsusulat. Emo na naman kasi ang lablyf ko ngayon, hehe. Single at maraming crush.