Incomplete

Thesis lab

Wala man lang akong ginagawa sa magulo na naming thesis prototype. Kasi naman, ang dami-dami kong naiisip na gustong gawin, at mukhang yun ang pinaka-ugat ng aking kawalan ng gana sa pagtatatrabaho. Masyado akong natuwa, na-overwhelmed, at napako, sa kaiisip…. na naman. Kasi naman, ang dami-daming balakid sa pag-usad ng aming proyekto. [Warning: Programmer's rants ahead]

Una ay sa kakulangan namin ng kagamitan upang masubukang mapagana ang mga programs na aming pinagkakapuyatan. Kaming tatlo ay may kanya-kanyang cellphones ngunit isa lamang sa mga ito ang may kaya sa kung ano ang gusto naming mangyari, ang magrun ng java applications na gumagamit ng native methods. Isipin mo naman, paano ka gaganahan magcode kung alam mo naman na hindi mo matetesting kung gumagana yung ginagawa mo. Para kang magluluto nang alam mong wala namang kakain, kahit ikaw. Oo, kahit ikaw.

Gumagamit naman kami ng emulator sa pc pero siyempre, hindi naman papayag ang mga judges kung ganun. Dapat totoo, real-life. Analogy ulit: Parang, tingin mo, papayag ba yung judges na iimaginin lang yung lasa ng niluto mong pagkain? Siyempre dapat matitikman nila, haay. Maganda pa'y bigyan nila kami ng compatible devices!

Ayoko na nga, naaasar talaga ako, haha. Pero natutuwa naman talaga ako sa aming project, at gusto ko siyang magkatotoo. At dapat lang, dahil ayoko nang magthesis ulit next year. Maganda talaga yung project, considering na papalaki nang papalaki ang storage capacity ng mga mobile devices at ang data connection rates between them.

Ayoko na, sana may bumatok lagi sa ulo ko para magtrabaho. Kailangan, dapat, sana. haay. At kita mo naman kung anong pinaggagagawa ko habang ang mga kagrupo ko ay nagcocode, hehe. Galit na panigurado sila sa akin. Ang tamad ko kasi e, asar.

Oo nga pala,  baka hindi ko na makumpleto yung pito na kailangan para sa tagged entry, hehe. Hanggang lima lang talaga, wala na akong ibang maisip pa. Hindi naman pwede pilitin. Isusulat ko na siya next time=) Inspire me, at baka maisama pa kita sa listahan, hehe=)

Burn out

Kapag magka-camping, isa sa mga pangunahing alalahanin ay kung paano makakapagluto ng pagkain. At ang mabisang solusyon dito ay ang magsiga, lalo na kapag walang nakapagdala ng outdoor stove. At marami ka ring mapagpipilian sa kung ano ang gagamitin mo para makagawa ng apoy.

Papel. Eto na siguro ang pinakamabilis na masindihan. Kahit posporo ang gamitin ay agad-agad kang makagagawa ng apoy. Ngunit ang init na dulot nito ay panandalian lamang. Kung anong bilis nitong magliyab ay ganoon din kabilis itong matupok. Kaya kahit na gaano kadami ang papel na iyong gamitin, kahit paulit-ulit ang paglagay mo ng papel pagkatapos maubos nung naunang inilagay ay wala ka pa ring mararating. Hindi maluluto ang iyong ulam o sinaing.

Uling. Ginawa ang uling para talaga sa nais mong mangyari, ang makapagluto, ngunit hindi ka makakakita nito kung saan-saan lang. Mas mahirap itong pagliyabin kaysa sa papel ngunit kapag nagawa mo na ay siguradong makakaluto ka. Mahirap hanapin ang uling, kailangan mo pa ngang bilin, madalas, kaya huwag mo itong sayangin. Hindi ka lang naman isang beses lang kakain di ba?

Kahoy. Kung wala kang makitang uling, marahil ay naisip mo na kahoy na lang, galing naman sa kahoy ang uling di ba? At paniguradong marami kang makikitang kahoy sa paligid (gubat naman siguro ang campsite niyo). Ngunit hindi lang basta-basta kahit na anong kahoy ang gagamitin mo, maghahanap ka, mamimili, dahil hindi naman ang kahoy ang lalapit sa iyo. Pwedeng mong suriin ang lahat ng makikita mo para makahanap kaagad pero ang gusto ng iba ay yung maglalakad lang at aantaying may matsempuhan na madadaan na magandang kahoy. Pero meron ding kinukuha na lang ang kahit anong abot ng kanyang kamay.

Mas mahirap gumawa ng apoy gamit ang kahoy kaysa sa uling dahil kailangan mo talagang maghirap para dito. Matagal, mangangawit ang kamay mo kakapapay, kakaihip ngunit walang kapantay ang sayang dulot ng pagpapaliyab sa kahoy dahil hindi ka talaga sigurado nung una pa lang kung pwede. Makakapagluto ka na sa wakas.

Nakakita na ako ng uling ngunit binuhusan ko ng tubig ang alab nito. Mapagliliyab ko pa kaya ang init ng pagmamahal niya sa akin?

ayoko talaga ng math

Alam ko na kung bakit kahit anong pilit ay hindi ko makasundo ang subject na mathematics. Naisip ko habang nakikinig ako sa lecture ni Adorna, professor sa Discrete Mathematics. Hindi lumilipas ang labinlimang minuto ay tatlong punong blackboard na ang naisulat niya tungkol sa topic naming functions and relations na kahit alam ko ang ibig sabihin ay madali niyang nagagawang magulo at mahirap intindihin. Yun ata ang pinagkaiba ng higher math subjects kaysa sa mga ordinaryong kinukuha ng isang non-math-related course major tulad ng Math 1, mas magulong tinuturo ang karaniwang lesson. Naalala ko tuloy ang isa sa mga nabasa kong quotes sa Math category ng komski quotebox. Sabi ni George Polya, “Mathematics consists in proving the most obvious thing in the least obvious way”.

Hindi ko na kinokopya ang mga sinusulat ni adorna sa pisara. Ni hindi na nga ako nakikinig masyado. Ang huling tanda ko ay pinoprove niya ata na ang isang partial-order relation ay transitive, reflexive at anti-symmetric. Nakatingin ako sa labas at tinatanaw ang mga tao sa kalapit na new NIP building, pero hindi ko naman sila nakikita dahil ang ibig sabihin ng magkalapit na building dito sa unibersidad na napasukan ko ay aabutin ng ilang minutong lakad at hindi nangangailangang magdyip pa. ( napalayo ako ng kwento na parang nangyayari lagi kapag nagsisimula akong makinig sa lecture na ito, hindi maiwasang mapalayo ng iniisip )

Kapag sinisilip ko ang pisarang punong-puno ng mga pinaghalu-halong math, logic at statistical symbols (at meron ding imbento niya) ay hindi ko naman makita ang mga sinasabi niyang kabuluhan. Yun ata ang problema ko, masyado akong nahihirapan mag-isip ng sobra dahil kailangan talaga yun sa math. Kaya ayoko talaga ng math, para siyang joke na hindi ko gets ang punchline kaya hindi ako matawa. Alam mo naman siguro ang pakiramdam kung lahat ng nakapaligid sa iyo ay natatawa sa isang joke pero ikaw ay hindi. Pwede na ring ikumpara kapag nasa loob ka ng kwarto na puno ng mga kaklase mong mas magaling kaysa sa iyo.

Pero hindi tulad ng isang joke na hindi mo magets, hindi mo pwedeng pekein na lang ang tawa mo kapag hindi mo maintindihan ang lesson mo sa math.

Baka nga mapaiyak ka pa.