LP: Bughaw na Talulot

Animo’y mga bughaw na talulot ng isang bulaklak ang damit na bumabalot sa katawang umiindak sa saliw ng musika ni Ke-dollar-sign-ha at Lady Gaga. Ang bawat kembot na tugma sa tiyempo ng makabagong tugtog ay sinusundan ng mga nakatitig na mata ng mga taong sa inyo’y nakapalibot. Bawat galaw ay nakakapang-akit, at sa pilantik ng mga daliri sa kamay na iniwawagayway sa langit ay humahalimuyak ang gandang Pilipina.

NLEX Girls sa Panagbenga 2011

Mga Pilipinang parang mga bulaklak na namumukadkad ang ganda.

Ito ay ang aking lahok para sa ika-141 linggo ng Litratong Pinoy na may temang Bughaw (Blue). Ang litrato sa itaas ay ang mga babaeng mananayaw na kasama ng float ng Manila North Tollways Corporation (MNTC), na siyang namamahala sa NLEX, sa nakaraang Panagbenga 2011 nuong Linggo. Hindi kami naflatan ng gulong sa biyahe pauwi kaya ewan kung kasama talaga sila sa mga nagpapatrol sa daan :P

Matulog ka lang mahal ko.

Sa sobrang lamig dito sa loob ng bus ay aakalain mong umuulan sa labas. Malapit nang gumabi at nagsisimula nang dumilim ang kalangitan ngunit hindi ang ating kapaligiran dahil unti-unti na ring nagliliwanag ang mga gusali sa kahabaan ng EDSA. Mag-iisang oras na tayo sa biyahe ngunit malayo pa rin sa bababaan.

Yakap mo ang aking kamay nang mahigpit, ngunit ‘di sing higpit nung nakasakay tayo sa Anchor’s Away kaninang hapon. Panigurado’y kabaligtaran din dahil ang naging tibok na ating mga puso kanina’y naghahabulang parang mga bump cars sa Dodgem at pasirku-sirkong hindi na malaman ang itaas sa ibaba na parang Space Shuttle, pero hindi ngayon. Tahimik. Sumandal ka lang sa balikat ko.

Naramdaman kong nakatulog ka na dahil lumuwag ang pagkakahawak mo sa aking mga kamay na itinaas ko para hindi ka magising na ngawit at siyempre, para na rin mahaplos ko ang iyong mga pisngi. Mahimbing ang naging tulog mo dahil na rin siguro sa kapaguran. Kahit nakapikit ka’y ninais ko pa ring titigan ang mga mata mo at nangiti nang idantay mo ang iyong pinsgi sa likod ng palad ng kamay kong nananatili pa ring nakahawak sa kamay mo.

Hinawi ko ang iyong buhok at muli ay hinalikan kita sa mga labi habang nananaginip ka.

10-second AHT

Text mo ko ha?
???

Panigurado akong naguluhan siya dun. Dahil paano naman niya ako itetext e hindi naman niya alam ang number ko. Well… hindi pa. Grabe, ilang linggo na rin mula nung unang beses ko siyang nakausap. Hindi ko na kaya na ganito na lang, na sa bilang ng tatlo.. dalawa.. isa.

Sige babay na.
Oi! ‘Nung sinasabi… mo?

Inapakan ko na ang gas para kumaripas ng takbo ang kotse kahit na parang may sinasabi pa siyang hindi ko na naintindihan. Bahala na. Nakakahiya na ewan. Sana makita niya. Sayang naman kung hindi. Sana. Sana talaga.

— — kinabukasan — —

Nakahiga na naman akong nakatingala sa kisame habang inaalala ang kanyang mukha. Nabasa kaya niya? ‘Yan ang tanong na kagabi pa umiikot sa isip ko’t muntik na akong hindi pinatulog sa buong magdamag habang pilit pinipigilan ang sarili sa paghihintay sa isang bagay na hindi naman ako siguradong darating.

*toot toot*

Para akong nakuryente sa gulat nang marinig kong tumunog ang phone kong pilit hinagilap dahil napailalim na sa mga unan matapos kong magsawang titigan kung may darating na message. Eto na nga. Nakuryente akong muli nang makita ko na number lang ang lumabas sa display. Syet, wala sa phonebook ko yung nagtext. Mukha akong tangeng napangiti habang itinapat ang hinlalaki sa ‘read’ button.

Pero ayoko pa palang buksan. Continue reading