‘Wag ka nang malungkot.

Kim Chiu Bus

Hindi niya makayanang ingiti ang mga labing nakalapat na sa bintana. Nakadungaw sa mundong ginagalawan gamit ang malalamlam na mga mata. Sa hindi sinasadyang sumpa’y mukha niya’y hindi na kailan pa ma’y nilulubayan ng lungkot at pagkabalisa.

Naipon na’ng lahat ng mga luhang hindi matuloy-tuloy sa pag-agos, sa pisnging hindi na muling kakikitaan pa ng siglang nilamon na ng lumbay na hindi matapos-tapos.

Hindi niya mabuklat ang kwadernong naglalaman sa mga salitang nagmula sa itinitibok ng kanyang puso. O anung parusa, dahil ang sarili niyang kamay na hindi maigalaw ang hadlang sa pagbabasa ng mga pahina nito, kaya’t habambuhay na siyang nakatitig, nag-iisip, kung bakit ba tadhana’y siya’y walang-awang nilalaro.

At kung dumating man ang kanyang iniirog, sabihin kung paano. Hindi niya siya malilingon, mahahagkan, at masasabihan na mahal kita, mahal kita, mahal kita sinta ko.

Sinasabi ko sa iyo, hindi kailanman naging pilit ang kanyang lungkot.

milenyo ma’y lumipas

Nararamdaman ko pa rin ang hagupit ni milenyo, yung bagyo na tumama sa luzon dati, isang araw ng huwebes. Nag-iwan ito ng isang masidhing bakas. Sinira niya ang dalawa na pinakamamahal kong bilbords.

Yung una, ang bilbord ng boardwalk, northeast ng balintawak tolgate sa nlex. Naaalala ko pa, nakaupo man ako o nakatayo sa bus, sa may tatluhan o dalawahan, pauwi man sa bulacan o paluwas ng maynila, ay pipilitin ko pa ring matanaw ang bilbord ng boardwalk.

si vana, yung sa babae sa video ng tensionado. ang ganda niya talaga. Siya ang panggising ko sa umaga, dati, dahil sinira siya ni milenyo. Wala na siya, hindi ko na makikita.

Yung pangalawa, sa may overpass ng oliveros, yung wide bilbord ng smart.

Natutuwa ako dahil nandun din yung MMDA post station (kung ano man ang tawag dun). Kaya pinipilit kong maupo sa may dulo ng bus, sa may tatluhan, sa tabi ng bintana. Para kapag tumigil ang bus, ay eksakto sa harap ng bilbord ng smart.

Iniisip ko na sana ay nung bago pa tumama ang bagyo, sana pumunta na lang ako dun sa may overpass ng oliveros, na may dalang cutters. Kukunin ko yung bilbord dahil wala naman silang pakialam. Mahal ko ang bilbord na iyon.

Kahit ngayon ang tinitingala ko pa rin ang ang lugar kung saan ang dalawang bilbord na ito’y makikita. Umaasa pa rin ako na baka masulyapan kong muli ang kagandahan nila.

Oo nga pala, pinalitan na ng boardwalk yung bilbord nila. Hindi kapantay ni Jean Garcia si Vana.

bilbord

walang hanggan ang iyong ngiting
sa aking pagdaan ay bumabati
umaraw ma’t umulan ay walang kupas
ang malarosas mong mga pisngi

wala mang tunog kang nililikha’y
ang hangin ang siyang humuhuni,
binigbigkas nito ang kantang
hindi mo kailanman masabi-sabi

araw-araw akong mananabik na makita
ang iyong mukhang sadyang pinalaki
nang makita ng lahat ang angkin
mong gandang nakabibighani

sumakit man ang leeg ko’y sasalubungin
ko pa rin ang mata mong nakatitig.
tatapatan ko kung saan ang ngiti
mo’y aking masasalo’t maaangkin.

( hindi ko na kayang ituloy itong tula )

dahil lang ba sa sobrang pag-iisip ko sa iyo’y
mukha mo na ang nakikita ko sa lahat ng
matuunan nitong aking mga mata?