All things temporary

Halos walang tao sa loob ng silid-aralan, wala naman kasing klase. Hindi dahil sa recess o lunch, kundi dahil may kung anong yearly activity [na hindi ko na maalala kung ano talaga]. Kakagaling ko lang ‘ata nun sa paggawa sa arts club at ngayo’y nagpapahinga lang bago muling bumalik sa tinatrabahong props.

Huwag ka malikot, sandali na lang..

Hawak niya ang aking kaliwang kamay, palad sa palad, at gamit ang isang lotus black ballpen ay binigyan niya ako ng kauna-unahan kong temporary tattoo. Ilang minuto na rin ang nakalipas nung siya’y nagsimula at sa panahong yao’y kahit kaunti’y hindi ko naramdaman ang sakit ng ball-point tip ng ballpen na tumatama sa buto ng aking kamay, sa likod ng palad.

Ano ba yang nilalagay mo?
Basta.. wait lang.. konti pa..

Nakaupo kami sa pangalawang row sa tabi ng mga bintana nung hapong yaon at hindi ko alam kung anong mga bagay ang pinag-usapan namin at nahantong siya sa paggamit ng aking balat bilang canvass sa kanyang pagdodrowing, isang bagay na kinahihiligan niyang lubos. Sanay na ako sa kanyang mga kakaibang mga ideya at isa yata yun sa mga ito.

Naalala kong minsang biniro ko siya’t sinabi kong nagpatato ako sa aking likuran ng isang kulay itim na dragon. At nung oras na binanggit ko yu’y pinilit niya itong makita, para malaman kung totoo nga. Hahablutin niya ang kwelyo ng aking uniporme, titingkayad ng kaunti at susubukan itong silipin habang ako nama’y sinusubukang pigilan siya upang mapahaba ang aking biro. Pero kahit sabihin ko nang niloloko ko lang siya’y pipilitin pa rin niyang tignan dahil baka sinabi ko lang yun para hindi na siya mangulit.

At kahit nung inulit ko ang parehong biro nang sumunod na araw ay parang noon lang niya unang narinig dahil nangungulit pa rin siyang makita kung meron nga.

Ang tagal naman..
Matatapos na, sandali na lang.

Kapag kasama ko siya’y parang walang hanggan, na tila hindi mahalaga ang kinabukasan. Walang problema, alalahanin at kalungkutan. Na tila bagang kaming dalawa lang ang naninirahan sa mundong ginagalawan, walang pumupuna, sumasagabal, nakikialam.

Ang oras na aming pinagsasaluhan ay humihiwalay sa kapaligiran, sa oras na umaalipin sa karamihan. Magkasama kaming dalawa, at tanging kami lang.

Kay sarap niyang pagmasdan. Ang kanyang mga matang higit pa sa kahit na anong makinang na dyamante. Ang malago niyang buhok na sumasayaw sa bawat pag-ihip ng hangin. Ang kanyang mga kutis na sa mga fairytales lang nailalarawan. Ang ngiti niyang animo’y sikat ng araw sa umagang nababalutan ng hamog. Habang nasa tabi niya’y parang wala na akong ibang bagay na nanaisin pa.

Sinubukan kong ilapat ang aking mga daliri sa kanyang mga kamay, ngunit sa ginawa kong yu’y nakatanggap lang ako ng mahinang tapik mula kanya, na nagsasabing “huwag”, sabay kunot ng kanyang noo’t salubong ng kanyang mga kilay.

Ito ang una’t huling pagkakataon na nahawakan ko ang kanyang kamay, na naramdaman ko ang aking mga daliri sa kanyang balat. Isang pagkakataong hinding-hindi ko kailanman malilimutan.

Ano, ok na?
Ayan, tignan mo, bilis..

Hindi ko man ninais ay naghiwalay ang aming mga kamay sa pagkakahawak sa isa’t-isa. Tinignan ko ang kanyang gawang pinaghirapan sa loob ng iilang minuto. Iginuhit niya sa likod ng aking palad sa kaliwang kamay ang paborito niyang hayop, isang cute na cute na kuneho.

Hanggang kinabukasan ay hindi ko sinabon ang parteng yun ng aking kamay. Kahit napansin na ng lahat, ng aking mga magulang, kapatid, kaklase at kahit na rin pinagtitinginan na ng mga nakasabay ko sa dyip, sa service car at lahat ng taong hindi alam ang istorya sa likod nitong drowing. Ngunit kahit anong ingat ay nabura pa rin ito, bago pa man matapos ang sumunod na araw.

Kahit na anong bagay ay katulad pa rin ng kunehong iginuhit mo, kumukupas, nabubura, naglalaho. May mga bagay talaga na kahit gawin mo na ang lahat ng alam mong paraan upang manatili ay hindi pa rin mapipigilan na mawala at lumipas, dahil ang mga bagay sa mundo, kagaya ng mga inilalahad ko ngayo’y pansamantala lamang at hindi panghabambuhay. Ngunit sadyang kontra talaga ako sa lahat ng bagay

dahil naging permanente ka na talaga sa aking puso.

Morse code

Miss! ei, miss! ‘andali lang

Ano na ba ‘tong napasok ko, kanina’y tumitingin-tingin lang ako sa mga malalaking anime wall posters at ngayon, eto, naghahabol na ako sa isang babae na hindi ko naman kakilala.

Uy, ‘wag mo naman mas.. *hingal* yado.. bilisan!

Mukhang sanay na sanay siyang makisiksik sa hindi mahulugang karayom na tao dito sa divisoria. Sobrang hinihingal na ako. Isipin mo, gaano kadaming enerhiya ang kailangan in order to move a 150-pound object to an average speed of about 2 meters per second? At in a constant acceleration-decceleration dahil sa pag-iwas sa mga makukulit na mamimili, malilikot na mga pedicab, nakabalandrang mga tindero’t tindera ng tumpok-tumpok na mansanas, dalanghita, ponkan at ponkanito, naglalako ng alahas, sinturon, sumbrero at mga paper bags? Sinasabi ko sa iyo, mahirap.

Nagsimula ang lahat ng hirap na ito nang naihulog niya ang kanyang pitaka sa isa sa mga pasilyo nitong 168 mall, at paano ko nalaman? Nakita ko kasi, kaya eto ako, tumatakbo, hinahabol siya. Teka, ba’t ba kung anu-ano ang iniisip ko e may mailap na babae pa akong pinipilit maabutan?

Wallet mo miss! Sandaaaliiiii laaaaaang!

Parang sinasadya niya ata na hindi ako pansinin. Halos lahat na ay napatingin sa akin maliban lang siya. Naisip kong baka practical joke lang ito o isang segment ng noypi at oo, ako ito. Kung bakit pinulot ko pa kasi itong wallet niya, teka, matingnan nga ang loob at baka makita ko pa ang kanyang pangalan para aking maitawag sa kanya.

Swerte, may school ID. Uy, intsik pala siya, at, hehe, paano ba bigkasin ‘to? Xiao Wei? Naisip kong wag na lang dahil baka kapag sinigaw ko ito ay magmukha akong nasa isang chinovela, e hindi naman ako mukhang intsik.

Sana naman ay tumigil na siya kahit sandali lang, please Lord. Huminga ako nang malalim, ibinuhos kong lahat ng natitira kong lakas at binilisan ang lakad. Unti-unting lumiit ang distansya sa pagitan naming dalawa. Malapit na ako sa kanya nang bigla na lang siyang tumigil para tumigin sa isang stall ng mga sandals. Ayus, maaabutan ko na rin siya, sa wakas.

Lumapit ako sa kanyang tabi at kinalabit ang kanyang balikat.

Miss, wallet mo.

Tumingin siya sa akin at sa aking iniaabot sa kanya. May bakas ng kaguluhan sa kanyang mga mata, kinapa niya ang kanyang bulsa at sabay napangiti. Napangiti na rin ako dahil sa wakas ay natapos na ang aking hirap. Ngunit kinabahan ako nang bigla niyang itinaas ang isa niyang kamay na parang kakaratehin niya ako. At sa mabilis kong reflexes ay itinaas ko rin ang aking kamay para humandang sanggain ang karate chop o daragon-style fangs of fury kahit wala naman akong alam na pang-counter.

Nagulat na lang ako, o mas naguluhan nang gumawa siya ng mga arm movements na hindi ko naman maintindihan. At bigla akong nagka-goosebumps, pipi pala siya. At kaya pala parang hindi niya ako naririnig kanina ay dahil talagang hindi niya ako naririnig. Na-tense ako, hindi malaman ang gagawin kaya tatalikod na sana ako para umalis nang bigla niyang tinabanan ang braso ko. Sumenyas siya ng “sandali lang” kaya naghintay ako sa kanyang gagawin.

Kinuha niya ang bolpen at tickler notebook na nakastrap sa kanyang leeg at nagsimulang magsulat. At nang matapos siya’y ipinakita niya sa akin ang isinulat niya.

[ Thank you=) ]

Ang cute niyang tignan dahil sa ganda ng kanyang ngiti. Natitigan ko siya nang konti, hehe. Hiningi ko sa kanya ang kanyang notebook para magsulat. Medyo naging awkward dahil kinailangan kong lumapit sa kanya para hindi ko mahila pati ang leeg niya.

[ ok lang, ang hirap mo habulin, hehe ]

Natawa siya sa aking isinulat at lalong gumanda ang kanyang mukha (at medyo weird din ang tawa niya). May isinulat siya ulit pagkatapos at hindi ko inakalang mapapahaba pa pala ang silent conversation namin.

[ Madalas binabato nila ako para tumingin, hehe ]

At nagkaroon ako bigla ng textmate na dalawa ang ibig sabihin.

isang letra

simulan mo ang kanyang ngalan
na matagal ko nang ninais malaman
ilapat ang bolpen sa papel
na kanina ko pa tinititigan

hayaan mong kumalat ang kanyang tinta
upang hubugin ang isang linyang pababa
na may kurba sa dulo pakaliwa
at isang bilog na tuldok sa itaas
bilang panghuli nitong marka.

umpisahan mo ngayon ang pinag-ugatan
ng aking walang hanggang mga tula
sumulat habang masayang inaalala
ang isang hindi malilimutang mukha

sa isang titik, sa isang letra
literal man o hindi sa pagkakaunawa
dahil kung sa ingles lang na salita
ligaya’y sa iyo rin nagsisimula