Siya lang ang pwede kong titigan nang hindi ako nagmumukhang tanga.

Malamig sa loob ng classroom.

David, right?
Yes ma’am.

Hindi ako nakapag-aral kaya’t paniguradong wala akong masasagot sakali mang matawag ako. Malay ko ba sa mga inner joins, set divisions at symbolic calculus. Hindi ko rin nasimulang magsulat ng notes para sa klaseng ito, kaya’t nakatago pa rin sa bag ang notebook kong puro drawing lang ang laman.

Naroroon siya sa kabilang dako ng silid-aralan. At hindi ko maiwasang paminsan-minsa’y magawi ang paglingon ko sa kanyang mukha. Nakikita ko siya mula sa aking kinauupuan. At kada tingala ko mula sa aking lamesa patungo sa pisara’y dumadaan muna sa kanya ang aking mga mata. Hindi ko mapigilan ang sarili kong tumigin sa kanya, at punahin ang ayos ng kanyang buhok sa lagpas sa balikat at pisnging may kaunting bahid ng kolereteng rosa.

I will give 10 points to anyone who will answer this correctly, anyone?

Hindi na ako halos nakikinig na sa pinag-aaralan. Lalo kasing nagiging mahirap ang mga konsepto, lumalawak, gumugugulo. Bahala na lang sa exam na sa susunod na sabado na ata. May maisasagot naman siguro ako kahit na paano. Nakikinig naman ako kahit sandali, nakikibasa kahit kaunti, nakikiaral kahit sasaglit.

Mas natutuon na tuloy ang aking atensyon sa kaniya, na nuong una’y hindi ko inakalang makikita ko sa klaseng ito, makakasama. Minsan-minsa’y napapatingin din siya sa direksyon ko o sa aking katabi, na kung magkatao’y nakikita ko siyang nakatingin sa akin at ako’y kung hindi man mapalihis kaagad ng tingin pababa sa lamesa, ‘di kaya’y matigilan sa pagkakatitig sa kaniya sa hindi kaagad pagkakapuna na ako pala’y kanyang nakikita na.

How would the query statement go… Arvin.

Nabasa niya ang sagot mula sa pagbukas ng aking bibig. Syet, kilala niya ko. Ngunit sa pagbanggit niya sa aking pangalan ay hindi siya nakatingin sa akin, bakit? Walang oras upang mag-over analyze, kailangang magsalita.

Class where not room = “MH309″

Nagpatuloy siya sa itinuturong aralin, at ako naman ay nakatingin pa rin sa kaniya, sa bawat bukas ng kanyang bibig, sa pagpikit ng kanyang mga mata. Seryoso ang kanyang ngiting naiiba sa aking nakikita sa karamihan, at nakakatuwa ang mga birong nakakatakas sa pagitan ng pagsulat sa pisara at pagtatanong sa amin. At sa aking sobrang pag-iisip ay napalingon ako sa aking katabi’t naitanong,

May asawa na ba talaga si Ma’am?
Bakit, interesado ka?

Walang patumpik-tumpik kong sinabing,

Oo.

Tan ta-ran taran-taran-taran tarantaraaaaaan tararararan!

Prime Suspects

Habang inilalagay ko sa aking bag ang charger, na nakakahon sa isang printer ink box, na kasama ng hiniram naming Sony Ericsson z520i na gagamitin sa aming thesis application ay napatitig na lang ako sa loob ng aking bag.

Haha, kailangang piktsuran ‘to.

Apat ang aking bluetooth dongles, ewan kung bakit. Dalawa lang naman ang pc ko sa bahay at ganun din naman sa lab. Nariyan din ang flash disk na pwedeng mabaklas sa tatlong bahagi. Hindi talaga akin yung aquarium mouse, hehe, nilagay ko lang para makadagdag. Isama mo pa ang mga installer cd’s ay hindi talaga ako maikakailang hindi nalalayo nang matagal sa computers.

Makikita rin ang circuit/proto/bread board para sa aking digital circuits lab project. Kaya makakadukot ka ng iba’t-ibang resistors, capacitors, LED’s, switches, wires, AND at NOR gates, 74LS86′s, JK flipflops (not for the feet), pati na rin ang BCD display na parang sa calculator. Sana matapos na namin ang project na yan, na nung friday pa ang deadline.

Treasure talaga ang bag ko na yan dahil mas marami pa siyang lamang pera kaysa sa pinagsamang halaga nung nasa wallet ko at bulsa. Nariyan kasi ang ipon ko, kung meron man, na madalas nauubos sa pagkain, hehe.

Kaban rin yan sa aming bahay dahil kung may nangangailan sa amin ng perang panukli sa nagbayad para sa mineral water, pantaya sa jueteng (shhh), pambili ng meryenda sa naglalako ng kakanin, baryang pangtraysikel at dyip, o nuong pasko ay pambigay sa nangangaroling ay konting dukot at halukat lang sa loob ng aking bag ay may pera na. Kung barya lang naman e hindi ako magrereklamo. Pero pwede ring iloan ang perang naipon ko nang walang interes, basta ba bayaran lang kapag kailangan ko na at please, walang gulangan, dahil hindi ko naman binibilang kung magkano nga ang andyan. Suki ko ang nanay ko diyan.

Akin rin nga pala ang magnifying glass na yan dahil malabo na ang mata ko at ayaw ko namang magsalamin at asiwa rin ako sa contact lens, biro lang. Matagal ko lang kasing gustong magkaroon nun, hehe.

Haha, nakalimutan kong meron akong tatlong notebook, apat na bolpen, yellow pad at samu’t saring readings.

(Habang isinusulat ko ito ay kumuha na naman ang nanay ko ng barya)