Dreamplace

Sa pagtulog ko’y siya namang paggising niya at sa pagsara ng mga mata ko sa gabi’y siya namang pagdilat ng sa kanya sa umaga, dahil sa kung tuwing pagtingala ko sa langit ay para bilangin ang mga bituing ‘sing dami ng mga oras bago ko pa man siya makita ay ang haring araw naman ang sa kanyang kalangitan na sa ulunan niya’y ang matinding sinag nito ang madarama.

Sa parehong oras ay liwanag ang bumabalot sa kanya samantalang kadiliman naman ang yumayakap sa akin, sa aking pag-iisa.

Ngunit dito sa kundiman ang oras ay balewala, sapagkat hindi ito nakagapos sa bawat pagpatak ng segundong hawak ng mga kamay ng orasang mapandikta. Dito sa kung saan kami’y malayang nakakapagsama, napagsasaluhan ang oras na ‘di alintana ang pagkakaiba sa pagiging gabi o umaga, ng sa silangan o kanlurang ng mundong sa magkabilang dulo nito’y kami’y nakatira.

Ang kundiman ay isang panaginip na sa lumao’y maisasakatuparan.

O ha, dapat ito yung post namin nung araw na binago ko yung theme. Kasi naman tignan niyo ang header, night and day, ‘tas may dalawang tao sa magkabilang panig ng page, sakto sa aming dalawa ni karmi, hehehe:P Pero ginamit na din ni karmi ‘to dati para sa idlip.net, ang pinagkaiba nga lang ngayon e may deeper meaning na:D

Dahil hindi mo ako mababatukan *belat*

Webcam

Alas-dose na ng gabi, pero tahimik pa rin dito. Tahimik hanggang sa patayin ko na itong PC matapos kong gawin ang post na ito. Imbis na boses mo’ng naririnig ko’y tugtog mula sa isang radio station ang lumalabas sa headset ko. Higit na mas masayang pakinggan ang tawa mo kaysa kay Angel Rivero.

Hindi ko matitigan ang mukha mong wala sa nakabukas na webcam. Ngayo’y hindi ka lang talaga invisible ngunit offline na talaga. Vanny, sana nga’y kapag online ako’y online din siya para naman ang pagngiti nitong smiley sa pagbukas ng YM ay dahil sa saya. Ay grabe, hindi naman ako nagdadrama dahil napansin ko lang naman, ibang-iba talaga kapag ganitong wala siya.

Natawa akong muli nang tignan ko ang litratong inilagay ko sa taas, dahil hindi naman kailangang makausap kita para mapangiti mo ako, kahit sa pag-iisip lang sa iyo’y napapasaya mo na ako. Masaya ako sa bawat alaala, bawat alaalang napagsaluhan nating dalawa. Ayan, ayan ang madrama:P

Kaya simula ngayong kahit sabihin mo pang miss na miss mo na ako’t gusto mo akong makausap, ay ‘di na kita pagbibigyan, dahil kagaya nga ng sabi ko sa iyo last year; Hindi dapat pinapalagpas ang pagkakataon para matulog. Ayan tuloy, nagkasakit ka dahil sa kakulangan sa pahinga.

At oo, kapag wala akong maisip na ipost ay magpopost ako tungkol sa iyo *belat!* hehehehe. Lalo na ngayong hindi ka makakapag-online:P Kaya pagaling ka na, para imbis na gumagawa ako ng ganito’y nakakausap mo na lang ako.

Tip: Masama sa blogging career ang online relationship:P

Let the drama begin.

Tama, sa lagay na yun ay masaya pa ako nung isinulat ko yung huli kong post, pero kanina habang hinihintay kong kumulo ang tubig kong ipangtitimpla ng kape ay medyo napalalim ang aking iniisip. Kaya ko ba talaga ito?

Matagal ko nang sinasabi kay Carme, sa aking mga comments sa kanyang blog tuwing magpopost siya tungkol sa kanyang relasyon dati, na “ayoko talaga ng isang long-distance relationship”. Paulit-ulit, tuwing magkukwento siya, na ayoko dahil natatakot akong baka hindi ko makaya. Dahil.. dahil.. dahil alam kong nahuhulog na ang loob ko sa kaniya. Mabuti na nga lang at isang baso lang ang aking pinakukulo, kundi ay baka nasiraan na siguro ako ng bait kakaisip. Ang hirap. Iniisip ko pa lang nahihirapan na ako.

Oo nga, may internet naman, may chat, webcam, twitter. Pero iba pa rin yung katabi niya ako sa tuwing kailangan niya ako, o kailangan ko siya. Hindi sa lahat ng oras ay naroroon ako para sa kanya. Ano, kapag kailangan niya ko e hahanap muna siya ng computer para makausap ako? Kaya ba ng 140 characters per text para maramdaman niyang kasama niya ako kahit hinde? Paano kung umiiyak siya, titignan ko na lang siya sa monitor habang lumuluha dahil sa wala naman akong magawa at paulit-ulit na sasabihin na sana katabi niya ako para mayakap ko siya?

Sobrang hirap nun.

Alam kong ang buhay namin ay mas madalas nasa harap ng pc, araw-gabi nagsusurf, nagtatype. Pero hindi naman sa ganung lugar nangyayari ang mga mas mahahalagang parte ng buhay. Hindi talaga e. Higit na mas malawak ang mundong pangyayarihan ng mga mas malalalim na karanasan. Sa ganung mga pagkakataon, gusto ko kasama niya ako, katabi at kahawak ng kamay. At hindi ko iyon magagawa sa sitwasyon kung saan hindi ko siya agad-agad na mapupuntahan, o sadyang hindi talaga mapupuntahan kahit na gaano ko pa man gustuhing gawin iyon.

Hinihiling ko na lang na sana, sana’y walang mangyari sa mga bagay na ikinakatakot ko, hindi ngayon hanggang sa panahong makakasama ko siyang muli. Dahil sa oras na makasama ko na siya’y mas mapapanatag na ang aking loob. At kung hindi man palarin ay sinasabi ko sa iyo Carme, na hindi kita iiwanan, hindi kita bibitawan, dahil ikaw na rin ang dahilan kung bakit kahit alam kong mahihirapan tayo’y susuong pa rin ako..

Dahil higit naman na mas marami akong maibibigay na dahilan kung bakit ko gugustuhing mahalin ka, yun nga lang, hindi talaga maiaalis na minsan ay magdrama dahil kilala mo naman ako na isang emotero ring katulad mo. Mahirap, pero kakayanin natin ‘to.

Ang nakapanghihinayang lang sa lahat, nasasayangan talaga ako sa panahong hindi kita makakasama.