Lisensyado

Nakakuha na rin ako sa wakas ng lisensya sa pagmamaneho kaninang umaga. Kahit na natapos ako sa driving lessons ko nung Agosto pa, ganito yun e, nakaladkad kasi yung kanang paa ko ng traysikel dati kaya inantay ko pang gumaling ang paa ko na inabot din ng ilang buwan (na sumasakit pa rin paminsan-minsan ‘pag namamali ang apak).

Kahapon nga lang din ako ulit nakapgdrive muli, at NLEX na kagad, hehe. Eto minapa ko sa google maps ang ruta papuntang LTO sa Guiginto at lumalabas na 13 kilometro pala ang layo mula sa bahay namin.

route to lto guiginto

Namatayan pa rin ako ng makina kahapon :P Pero nung nagdrive ulit ako kanina e hinde na, hehe.

Ngayong may lisensya na ako ay marami na akong pedeng gawin, overspeeding, beat the red light, magcounter-flow, magpark sa no parking zones o sa harap ng mga driveways, pumasok sa no entry, at lumiko sa mga no left, right o u-turns.

Pero hindi ko naman gagawin ang mga yun, sana. Atsaka wala naman akong pera panggasolina kaya bukas, makikisiksik pa rin ako sa bus papasok sa eskwela.

“Wala kayong natutunan.” – Sir Mong

Lumabas ako sa aming tarangkahan upang mag-abang ng masasakyan. Late na naman ako nito, sigurado. Nakatayo ako habang hinihintay ang traysikel na aking tinawag mula sa may kanto nang dumaan ang isang hindi man kakilala’y pamilyar naman. Matanda na siya’t payat, kulot ang buhok, nakasalamin at nakauniporme. Hindi ko inaasaha’y bigla niya akong binati,

Ikaw ato iyong nag-aaral sa UP ano?

Hmmmm, medyo nagulat naman ako dun. Apat na taon na akong nag-aaral sa eskwelahan na yun pero ngayun lang ata may pumansin. Siguro kasi’y hindi talaga ako kakilala ng mga taga-sa amin dahil hindi ako lumalabas sa tatlumpu’t pitong sulok ng aming bahay.

Opo.

Agad-agad kong isinagot. Dati rati’y kapag napupunta sa usapan ang tungkol sa kung nag-aaral pa ako, ay lagi kong inaantay, with excitement, yung tanong kung saan ako nag-aaral, hehe. Gusto kong sinasabi dati kung saan ako nag-aaral dahil astig. O tingin ko ay astig na nag-aaral ako sa UP. Pero ngayo’y parang hindi na ganun, at ang dahilan kung bakit ay sa mga tanong na ganito,

Port yir ka na di ba, edi gagradweyt ka na?

Natigilan ako dun, hindi ko inaasahan. Maraming pumasok sa aking isipan, ang iskul, ang thesis, at sa puntong iyon ay hindi ko malaman ang aking isasagot. Naguluhan ako, natameme, pero kailangan kong sumagot dahil sa may naghihintay sa aking harapan. Bigla kong sinagot,

O-opo.

Walanghiya, harap-harapan akong nagsinungaling sa isang public elementary teacher (ewan kung naging titser ko siya dati). Unang beses kong pinagsinungalingan ang tungkol aking pagtatapos, dahil kung isang kamag-anak, pinsan, dating kaklase o blog friends ay sasabihin kong delayed ako sa subjects, irregular, may problema, na gagradweyt ako pero hindi on time.

Umalis na siya papuntang eskwelahan, at ako naman ay sumakay na sa traysikel, iniisip kung may homework o quiz sa una kong subject. At nang umandar na ang traysikel ay bigla naman akong tinanong ng drayber,

Nag-aaral ka pa?

Sana hindi niya ako tanungin ulit next schoolyear.

PS: Napag-aralan namin sa Lingguistics class ko ang tungkol sa marshmallow test sa mga bata. Pero yung sa pinanood naming video, ang bata ang pinapasok sa loob ng isang room kung saan may laruan (running train in a railroad system) sa isang table sa gitna at siya ay pinaupo na nakatalikod doon. Sinabihan siyang huwag lilingunin ang laruan at iniwan mag-isa. May mga batang lumingon, meron din namang hindi.

Ayon sa mga researchers na gumawa nung study ang mga batang naging matalino in later years were the ones who looked, and lied about it.

Ilusyonado

Mahirap makasakay ng dyip kapag ganitong oras sa hapon, karamihan sa mga schedule ng mga estudyante ay natatapos ng 5:30. At mas mahirap sumakay lalo na’t dito ka nag-aabang sa may waiting shed sa Molave dormitory, dahil nakalibot na ang mga dyip sa buong UP at puno na ito bago pa man dumaan sa kinatatayuan ko. At di hamak na mang mas kaunti ang populasyon ng dyip na papuntang SM North kaysa sa Pantranco o Philcoa.

Swerte na lang kung may bumaba dito o kahit dun sa may kalapit na Kalayaan dorm, dahil hindi mo talaga aasahan na hindi pa puno. Kaya paniguradong hindi ako swerte ngayon dahil ngawit na ang mga paa ko sa kakatayo.

Inabot ako ng kalahating oras sa paghihintay bago pa man ako pinalad na makasakay. Pero hindi ako masyadong swerte dahil sa ako ang pinakahuling pasahero, at siyang uupo ngayon sa imaginary seat, ang upuang wala naman doon.

“Usod lang po may kanan, waluhan yan”

Lagi kong naiisip na minsan, titignan ko yung nakasulat sa gilid ng dyip na passenger capacity bago ako sumakay at titignan ko kung tutugma ito sa sinasabi ng drayber. Sa ilang sandaling paggigitgitan ng mga nakaupo na sa may bandang kanan ay unti-unting lumitaw ang kapirasong espasyo na parang kasya ako, pero wala na rin naman akong magagawa dahil umaandar na ang dyip. Umupo na ako, or I was just faking it. Pinilit kong isiksik ang aking pwet dahil masakit sa paa ang ginagawa ko.

Nakahawak ang isang kamay ko sa may estribo dahil kung hindi, sa konting liko lang ay sapat na ang malilikha nitong centrifugal force para ihulog ako, idagdag mo pa ang pressure exerted ng mga hita ng mga katabi ko. Gamit ang kanang kamay ay hinalungkat ko ang mga barya sa aking bag, kumuha ng 10-peso coin at nagbayad.

“Bayad o, pasuyo lang”

Ang teknik ay sabihin mo lang kung saan ka bababa kapag nakarating na sa kamay ng drayber ang bayad mo. Dahil madalas na hindi iri-relay ng ibang pasahero ang sasabihin mo.

“Yung sampo, SM, estudyante”

Sampung piso ang pamasahe papuntang SM North, pero kapag estudyante ka, pwede kang humingi ng discount na dalawang piso. Limang araw ang pasok ko, kung hihingi ako ng discount sa apat na araw ay magkakaroon na ako ng pamasahe para sa panglima, ok na rin di ba?

“…”

Pinapakiramdaman ko ang drayber. Pagkalagay niya kasi ng bayad ko sa dashboard ay humawak na siya sa manibela at nagpatuloy sa pagda-drive. Alam kong hindi na siya kukuha ng sukli at bigla kong natripan nung araw na iyon na hindi ito palagpasin.

“Estudyante po yun”

Pang-apat ako mula sa unahan at malakas naman ang pagkakasabi ko kaya’t alam kong narinig niya, pero sa itsura niya’y parang hindi. Nakatingin pa rin siya sa kalsada, medyo kunot ang noo’t parang badtrip. Hindi pa rin ako suko, laban kung laban, patigasan kami.

“Manong, estudante po yung sampo”

Aba’y mas matigas pa pala siya sa aking inaakala. Tengang-kawali pa rin siyang dinededma ako, pero bigla na lang, nagkatinginan kami sa kanyang rear-view mirror. Halos tatlong segundo kaming nagkatitigan, mata sa mata, este, mata sa salamin sa mata. Sigurado na akong nagbibingi-bingihan lang siya simula kanina, na siyang nagpalakas sa aking loob na lumaban, nakakaasar. Malayo na ang binagtas ng dyip mula nung nagbayad ako, at hindi ko pa rin nakukuha ang sukli.

Huminga ako ng malalim at binigkas, “Mano..” pero hindi ko pa halos nauumpisahan nang bigla na lang sumabog ang kanyang galit, hinanakit at sama ng loob.

“Sabi kayo nang sabi ng estudyante e hindi naman ako sigurado kung estudante nga kayo, e hindi naman kayo naka-uniporme, ‘tas hindi niyo pa pinapakita yung ID niyo. Ipakita mo kaya yung ID mo?”

Galit niyang sinabing halos pasigaw na. Gusto niya ata akong ipahiya sa lahat ng nakasakay, na medyo naramdaman ko nga. Kinuha ko ang ID ko sa aking bag at ipinakita sa nag-aalburotong drayber, para matapos na itong dispute. Kumuha na siya ng sukli kong dalawang piso at ipinaabot sa akin. OK na sana ang lahat nang bigla kong naisip at inihirit,

“Kung kanina niyo pa sinabi yun, edi nalaman ko na. Hindi yung nananahimik kayo diyan. Alangan namang hulaan ko yung iniisip niyo? Ano ka, GIRLFRIEND KO?”

Hindi ko alam kung nakaganti nga ba ako o hindi.