Ikaw ay mananatiling parte ko.

Mahaba-haba ang post na aking nagawa para sa linggong ito ng Litratong Pinoy. Kung nagmamadali ka’y pwedeng sa litrato sa ibaba ka na lang magsimula:) Ang paliwanag ay kasunod nuon. Pero sana’y ‘wag mong palagpasin ‘to, hehehe.

Arvin… Arvin…

Alas-otso ng umaga. Narinig ko ang boses mong tinatawag ako, dalawang beses, dahil laging nahahati sa dalawang text ang mga messages galing sa Twitter. Malamig. Malambot ang unan kong dantay sa kama, ‘sing lambot ng pisngi mong nakalapat sa akin sa tuwing nagkukuhanan tayo ng litrato. Inaantok pa ako. Sa pagbaling ko’y halik sa mga labi mo ang aking madarama. Gusto ko pang matulog. Nagtalukbong ako sa kumot na inilatag ko sa damuhan para ating higaan.

Alas-otso kinse. Bumangon akong kasing gahol nung araw na tayo’y nagkita. Tuliro. Umuulan na parang sa Cubao nang tumawid tayo mula Farmers patungong Gateway.  Pinatay ko ang aircon. Nanginginig na tayo sa lamig. Binuksan ko ang pinto na parang sa fire exit sa ikaapat na palapag. Sumabit ang damit ko sa pinto na parang mga kamay mong nakakapit sa akin.  Mainit sa kabila. Mabilis akong bumaba ng hagdan na parang nung tumatakas tayo mula sa paparating na guard.

Alas-otso bente. Wala pa ring pagkain. An’yungseiyo? Naaalala kong tinatanong natin sa isa’t isa tuwing oorder tayo. Ayaw mo sa kape. Akalain mo yun, meron din palang bagay na hindi tayo nagkakasundo. Fried-chicken ang ulam. Naubos ko na ang kanin ko. Pwede pang kumuha sa ricecooker na parang sa Tokyo-Tokyo ngunit wala ang mapuputing babaeng nagsasandok nito. At wala ka rin sa aking tabi.

Alas-otso kwarenta’t singko. Mainit na ang tubig ko, at nagsimula na akong maligo. Ang mga kamay kong minsang nakahawak na sa iyong braso padulas, patungo sa mga palad mo’t hinahanap ang puwang sa pagitan ng iyong mga daliri. Mabango ang sabon. ‘Sing bango ng buhok malapit sa iyong tenga sa tuwing ibubulong kong minamahal kita. Late na ako. Iniiwasan kong mabasa ng tubig ang phone ko habang tinetext ka. Magandang gabi. Kamusta na baby ko?

Alas-nuebe ng umaga. Hindi ko alam ang isusuot ko.  Striped blue ang suot ko nung sinama mo akong makipagkita sa elementary friends mo. Red nung namasyal tayo sa may ecopark, blue at white nung unang punta ko sa bahay ninyo, at green nung pangalawa. Naramdaman na ng lahat ng mga damit ko ang yakap mo. Kinuha ko ang paborito kong green at black na polo shirt na siyang sumalo sa lahat ng pawis na dulot ng kaba ko nung una kitang nakita. Ikinubli nito ang puso kong nagsusumigaw sa saya ng una kong nahawakan ang iyong kamay. Hindi ka tumanggi. Sinuot ko ang bracelet mong sinasabi mong hindi kasya sa akin. Minsa’y iniisip kong ang isa kong kamay ay ang sa iyo, at mangingiti na naman akong parang tange at hindi tanga. Magkaiba yun.

Alas-nuebe y medya. Naubos na naman ang barya sa bulsa ng bag ko. Huling dukot ay ipinambili ng pandesal kanina. Magulo. Buti na lang at hindi pa naitatapon ang papel na pinilas mo mula sa isang notebook, na sa tuwing makikita ko’y binabasa ko pa rin. Kabisado ko na ang unang apat na linya. Ginulo ko ang buhok ko upang umayos. Sinabunutan mo kasi. Nawawala ata ang payong kong muntik na tayong ‘di magkasya, na sa sobrang lapit nati’y nahalikan tuloy kita. Teka teka, may dumarating ata. Haaay. Ba’t puro may sakay ang traysikel dito? Late na talaga ako.

Kinse minutos menos alas-diyes. Umaambon sa labas ng traysikel. Napansin ko ang puwang sa aking tabi. Kasya ka pa.  Malamig ang hanging tumatama sa aking balat. Hinahanap-hanap ko ang mainit mong yakap. Tumingin ako sa labas. Malayo pa ata. Nakanakaw pa ako ng isang halik. Ipinasok ko ang aking kamay, nangapa’t dumukot ng barya sa aking bag. Kulang. Sana nakasama pa kita nang mas matagal.

Alas-nuebe sikwenta. Malakas ang hanging pumapasok sa dyip. Presko. ‘Sing haba ng buhok mo itong sa katabi ko. Hawig mo yung nasa kabilang upuan at ‘sing kulay ng balat mo yung nasa harapan. Binubuo ko lagi ang imahe mo sa lahat ng nakikita ko. Arvin… May nagtext na naman.

Alas-diyes ng umaga. Malamig sa bus. Dun tayo umupo sa may likod. Kaunti na lang kasi ang bakante. Inaantok pa ako. Natutulog ang katabi ko at muntik pang masandal sa aking balikat. Parang ikaw nung araw na ipinakilala kita sa mga magulang ko. Ang cute mo talaga. Mas masarap ka yakapin kaysa sa bag ko. Nakatalikod yung konduktor, nakaharang sa ibang pasahero. Syet, adik na ako sa halik mo. Papuntang Cubao itong bus. Trapik. Naaalala na naman kita. Lagi naman.

yakap

Hindi ko na maihihiwalay ang sarili ko sa iyo. Malayo ka ma’y buhay nati’y nakahabi na sa isa’t isa. Wala ka sa aking tabi. Hindi naman yun ang mahalaga. Bawat parte ng pagkatao ko’y ikaw ang ipinaalala. Bawat isipin ko’y nahahantong sa pag-iisip sa iyo. Bawat boses na naririnig, bawat mukhang nakikita. Ikaw ang puno’t dulo. Ang nagbibigay kulay at kahulugan. Ang nagpapaikot at iniikutan. Ikaw ang aking mundo.

Ito ay ang aking lahok para sa ika-19 na linggo ng Litratong Pinoy na may kategoryang Ako (o parte ko). Ang nasa litrato ay kami ng baby ko nung date namin sa may La Mesa Eco Park, Hunyo 2008. Tignan mo rin ang mga lahok ng iba pang mga miyembro dito.

Kitakits na lang sa Litratong Pinoy EB sa Sabado:D Sana hindi ako maligaw, hehe. Malelate ako.

Defender of the UP Campus

UP Lantern Parade 2007

From days of long ago. From unchartered regions of the UP campus, comes a legend, the legend of Ikotron, defender of the UP campus. A mighty robot, loved by good, hated by evil.

Hehe, wala naman kasing tagline ang Transformers e, kaya Voltron na lang. Peyborit ko naman yun.

Natuwa ko nung nakita ko itong ikotron, hehe. Lalo na nung narealize ko na baka magtatransform talaga ako, at kaya nga! “Sige, tatayo ako dito hanggang magtransform yan!”, sabi ko nang malakas habang nakatayo sa tabi ng kalsada. Narinig naman ako nung isa sa mga gumawa nun at sinabi niya na sa tapat lang ng mga colleges nila itatransform yun, dahil low-quality ata ang sabi niya, haha.

Baka nga naman masira kaagad kapag maya’t maya nila itong sinummon. Sabi nga ni Tina na wala na raw yung bubong nito nung dumaan sa eng’g, hehe. At hindi na rin ito nagtransform sa tapat nila.

Anim na tao nga pala raw ang nagbubuhat sa loob nun. Sayang at hindi ko ito nakita in full-transform form, hehe. Dapat pala e bumalik ako sa may AS, kahit mag-isa, sayang. Umalis na kasi si Tina para sunduin ang kaibigan niya.

UP Lantern Parade 2007

Ang ikot nga pala ay ang mga dyip na sinasakyan kung tinatatamad kang maglakad, o kung male-late ka na papunta sa iyong klase sa kabilang ibayo ng aming eskwelahan. Ayan, suki ako niyan dahil madali akong mapagod, hehe.

Lantern Parade nga pala kanina. Nakita ko naman ang karamihan sa mga kasali sa parada tingin ko. Mga marching bands, parading faculty in costumes, mga orgs tulad ng mga magagandang diwata na may dalang banner na “Centennial na, umamin ka na!”, hehe, mga nagsasayawang higantes ng SOLAIR, at marami pang iba. Hmmm, hindi ko nga nakita ang lahat ng kasali.

Siyempre, ang laging inaabangan ng lahat, ang mga estudyante ng Fine Arts kasama ng kani-kanilang individual at group, hmmm, anu bang tawag dun? hehe. Ang theme ata nila ngayong taon ay ang mga Filipino artists tulad nina Bencab, Abueva, Larry Alcala, atbp. at kanilang mga likha. Gusto ko yung kay Larry Alcala, hehe=) Marami ring mga ikot dyip, hehe=) Pasakay!

Miss, kasya pa ba ang isa?

Ilusyonado

Mahirap makasakay ng dyip kapag ganitong oras sa hapon, karamihan sa mga schedule ng mga estudyante ay natatapos ng 5:30. At mas mahirap sumakay lalo na’t dito ka nag-aabang sa may waiting shed sa Molave dormitory, dahil nakalibot na ang mga dyip sa buong UP at puno na ito bago pa man dumaan sa kinatatayuan ko. At di hamak na mang mas kaunti ang populasyon ng dyip na papuntang SM North kaysa sa Pantranco o Philcoa.

Swerte na lang kung may bumaba dito o kahit dun sa may kalapit na Kalayaan dorm, dahil hindi mo talaga aasahan na hindi pa puno. Kaya paniguradong hindi ako swerte ngayon dahil ngawit na ang mga paa ko sa kakatayo.

Inabot ako ng kalahating oras sa paghihintay bago pa man ako pinalad na makasakay. Pero hindi ako masyadong swerte dahil sa ako ang pinakahuling pasahero, at siyang uupo ngayon sa imaginary seat, ang upuang wala naman doon.

“Usod lang po may kanan, waluhan yan”

Lagi kong naiisip na minsan, titignan ko yung nakasulat sa gilid ng dyip na passenger capacity bago ako sumakay at titignan ko kung tutugma ito sa sinasabi ng drayber. Sa ilang sandaling paggigitgitan ng mga nakaupo na sa may bandang kanan ay unti-unting lumitaw ang kapirasong espasyo na parang kasya ako, pero wala na rin naman akong magagawa dahil umaandar na ang dyip. Umupo na ako, or I was just faking it. Pinilit kong isiksik ang aking pwet dahil masakit sa paa ang ginagawa ko.

Nakahawak ang isang kamay ko sa may estribo dahil kung hindi, sa konting liko lang ay sapat na ang malilikha nitong centrifugal force para ihulog ako, idagdag mo pa ang pressure exerted ng mga hita ng mga katabi ko. Gamit ang kanang kamay ay hinalungkat ko ang mga barya sa aking bag, kumuha ng 10-peso coin at nagbayad.

“Bayad o, pasuyo lang”

Ang teknik ay sabihin mo lang kung saan ka bababa kapag nakarating na sa kamay ng drayber ang bayad mo. Dahil madalas na hindi iri-relay ng ibang pasahero ang sasabihin mo.

“Yung sampo, SM, estudyante”

Sampung piso ang pamasahe papuntang SM North, pero kapag estudyante ka, pwede kang humingi ng discount na dalawang piso. Limang araw ang pasok ko, kung hihingi ako ng discount sa apat na araw ay magkakaroon na ako ng pamasahe para sa panglima, ok na rin di ba?

“…”

Pinapakiramdaman ko ang drayber. Pagkalagay niya kasi ng bayad ko sa dashboard ay humawak na siya sa manibela at nagpatuloy sa pagda-drive. Alam kong hindi na siya kukuha ng sukli at bigla kong natripan nung araw na iyon na hindi ito palagpasin.

“Estudyante po yun”

Pang-apat ako mula sa unahan at malakas naman ang pagkakasabi ko kaya’t alam kong narinig niya, pero sa itsura niya’y parang hindi. Nakatingin pa rin siya sa kalsada, medyo kunot ang noo’t parang badtrip. Hindi pa rin ako suko, laban kung laban, patigasan kami.

“Manong, estudante po yung sampo”

Aba’y mas matigas pa pala siya sa aking inaakala. Tengang-kawali pa rin siyang dinededma ako, pero bigla na lang, nagkatinginan kami sa kanyang rear-view mirror. Halos tatlong segundo kaming nagkatitigan, mata sa mata, este, mata sa salamin sa mata. Sigurado na akong nagbibingi-bingihan lang siya simula kanina, na siyang nagpalakas sa aking loob na lumaban, nakakaasar. Malayo na ang binagtas ng dyip mula nung nagbayad ako, at hindi ko pa rin nakukuha ang sukli.

Huminga ako ng malalim at binigkas, “Mano..” pero hindi ko pa halos nauumpisahan nang bigla na lang sumabog ang kanyang galit, hinanakit at sama ng loob.

“Sabi kayo nang sabi ng estudyante e hindi naman ako sigurado kung estudante nga kayo, e hindi naman kayo naka-uniporme, ‘tas hindi niyo pa pinapakita yung ID niyo. Ipakita mo kaya yung ID mo?”

Galit niyang sinabing halos pasigaw na. Gusto niya ata akong ipahiya sa lahat ng nakasakay, na medyo naramdaman ko nga. Kinuha ko ang ID ko sa aking bag at ipinakita sa nag-aalburotong drayber, para matapos na itong dispute. Kumuha na siya ng sukli kong dalawang piso at ipinaabot sa akin. OK na sana ang lahat nang bigla kong naisip at inihirit,

“Kung kanina niyo pa sinabi yun, edi nalaman ko na. Hindi yung nananahimik kayo diyan. Alangan namang hulaan ko yung iniisip niyo? Ano ka, GIRLFRIEND KO?”

Hindi ko alam kung nakaganti nga ba ako o hindi.