Kung bakit nasa ilalim ang sahog ng halo-halo

Hello=) Ako nga, isa rin nyan.
Sandali lang ha, marami pang order eh.
Ok, antayin ko na lang.

Isang epektibong business strategy talaga ang malaman mo kung anong produkto ang papatok sa mga tao. Kung anong bagay ang napapanahon, ang bebenta, ang pagkakaguluhan. Maging ito ma’y bulaklak at tsokolate tuwing valentines, gamit pang-eskwela kapag pasukan o kaya’y mga kandila’t glow-in-the-dark bracelets tuwing sasapit ang undas.

Pero kapag ganitong tag-araw at sobrang init ng panahon, na ang bahay mo’y nagmumukha nang isang malaking improvised solar-powered oven, ay wala na talagang makatatalo pa sa masarap at higit sa lahat ay malamig na halo-halo.

Dagdagan mo ng pinipig ha?
Gusto mo puro pinipig na lang eh, hehe =P
Nye, syempre hindi naman.

Para sa akin, the perfect halo-halo ay may pinipig, minatamis na saging na saba, nata de coco, beans, makukulay na sago’t gulaman, melon strings, langka, garbansos, leche flan, halaya, asukal, maraming gatas at nag-uumapaw na yelo. Iniisip ko pa lang, naglalaway na ako.

Pero kahit hindi isang perpektong halo-halo, kagaya ng hinihintay kong maserve sa akin ngayon, ay ok pa rin, basta ba kasing ganda niya ang nagbebenta.

Gusto mong lagyan ko ng leche flan?
Basta ba libre e, bakit hinde.
Oo, libre na dagdag =)

Makita ko pa lang siya’y napapawi na ang kainitan ng panahon na nadarama ko. Na para bang ang ihip ng hangi’y nagiging presko sa oras na masilayan ko ang kanyang mukha, di kaya’y marinig ang kanyang boses. Kaya nga hindi lang ang halo-halong itinitinda nila ang pinuputahan ko rito kundi higit dahil sa kanya mismo.

Pinagmamasdan ko siya habang ginagawa ang malamig na miryendang ito sa aking harapan. Una niyang inilalagay ang asukal sa malaking baso. Pagkatapos ay isa-isa niyang kukunin ang mga sahog sa garapon at kukutsarahin para maisama sa halo-halo. Isusunod naman niya ang ginadgad na yelo at kaunting leche flan bilang topping. Lalagyan niya ito ng gatas bilang panghuli.

Alam mo ba kung bakit nasa ilalim ang sahog ng halo-halo?

Nung una ay nauuna ang yelo at huling inilalagay ang sahog, ngunit ang naging tendency ng mga kumakain nito ay tirahin kaagad ang sahog imbis na haluin muna ito. At bakit pa ito tatawaging halo-halo kung hindi mo naman hahaluin? Kaya pinagpalit nila ang yelo sa sahog and the rest was history.

Madalas ganun naman talaga dapat di ba? We must dig in deeper to find something delightful. Kaya lang naman nasa taas ang sahog ng halo-halo sa Chowking ay para lang mas mahal tignan.

O, halo-halo mo.
Salamat=) Asa’n ang kutsara?
Ay sori, teka.

Sino kaya ang nagpangalan sa halo-halo? Parang uncreative naman kasi. Kung ang mga desserts sa ibang bansa, pangalan pa lang nakakatakam na, tulad ng sherbet, sundae, frostee, mousse, tapos sa atin, halo-halo? Ano yun, mix-mix?

Paabot nga ng asukal, parang ang tabang.
O? Ok naman na yung inilagay ko ah.
Ewan, parang ang tabang nito e.

Iniabot niya sa akin ang bote ng asukal at agad ko namang nilagyan at inihalo sa aking baso. Siguro ay hindi pa lang natutunaw masyado ang asukal kaya ganun ang lasa.

Penge pa ha, tabang talaga e.
Baka naman may nakain ka lang na matamis kanina.
Ganun ba ‘yon?
Oo kaya.

Mabuti na lang at tumigil pansamantala ang mga bumibili sa kanila kaya’t nakausap ko siya ngayon nang mas matagal sa karaniwan. Madalas kasi ay sobrang busy niya. Minsan pa nga e tinutulungan ko pa siya.

Tabang pa rin talaga.
Baka nga may nakain ka lang na mas matamis.
Hinde… Alam ko na..
O, tingin mo bakit?
Tama ka nga, nasasapawan lang ang lasa.
Sabi sa ‘yo e.
Nasasapawan nga, sobrang tamis kasi ng ngiti mo.
=) … … salamat *blush*

Kahit ang perpektong halo-halo ay hindi makatatapat sa tamis ng kanyang ngiti.

Kaw naman, joke lang yun, naniwala ka ata, hehe.
Langya ka, hinde no. Hmph.
‘Pag tanghali, halo-halo, tapos sa gabi, may barbeque.
Asensado e. Teka, babalik ka ba mam’ya?

Ang totoo, hindi kumpleto ang araw ko nang hindi kumakain dito sa kanila, este hindi pala, hindi kumpleto kapag hindi ko siya nakikita. Parang may kulang kapag hindi ko siya nakakausap di kaya’y masilip man lang kahit sandali’t masilayan ang nakabibighani niyang mukha.

Mamaya? Bakit naman ako babalik pa?
Ganun?
E hindi naman kasi ako aalis.
=)

Ang katawan, kailangan ng pagkain. Ang puso, kailangan ng minamahal.

Karinderia

isa’t kalahating kanin nga

Halos hindi ako makapili dahil karamihan sa mga nakadisplay sa salamin na estante nitong karinderiang suki nang karamihan sa mga nagtitinda at bumibili dito sa palengke ay gusto ko. Gusto ko ang anghang at kaibang lasa ng gata sa bicol express, ang tamis ng chicken hamonado, ang asim ng sinigang na bangus pero walang tatalo sa walang kapantay nilang kare-kare. Ito ang kanilang ispeysyalti kumbaga. kapag byernes at pinagtitinda ako ay ito kaagad ang unang pumapasok sa aking isipan dahil ang kare-kare nila, kahit walang bagoong ay masarap pa rin.

May kare-kare pa ba?

Sa sobrang patok ng ulam na ito ay lagi silang kinakapos, kahit na ang balita ko’y lagi nilang dinaragdagan ang luto. Nakatingin pa rin ako sa iba pang ulam na hindi ko inorder, parang nilalasap ang sarap nila kahit hindi ko makakain. At bigla na lang ay napabaling ang aking tingin sa babae sa likod ng salamin na estante. At naalala ko ang pangalawang bagay na pumapasok sa isip ko kapag alam kong magtitinda ako sa lugar na ito. At ang bagay na yun ay siya, makikita ko siya.

Meron, yun lang ba?

May nakatakas na konting ngiti sa aking mga labi kahit na pinilit kong itago ang sayang bigla kong naramdaman nang bumungad sa akin ang kanyang mukha. Ngunit sana ay hindi niya napansin ang aking mga mata, dahil alam kong hindi kayang magsinungaling ng mga mata ng tao sa pagpapakita ng kanyang nararamdaman. Natutuwa ako sa tuwing nakikita ko siya.

E pangalan mo? baka pwedeng malaman

Hinde, hindi lumabas sa bibig ko ang mga salitang yan kahit na matagal ko nang ninanais maitanong sa kanya ito. Ano kaya ang pangalan niya? Kinuha ko na lang ang iniabot niyang mangkok at naupo sa isang bakanteng mesa. Hindi ko siya magawang titigan dahil masyadong halata at paniguradong walang siyang ideya kung sino ako, kaya baka matakot lang siya sa akin. Baka mamya e isumbong pa niya ako sa kanyang tatay.

Tawagin mo nga yun ate mo

Narinig kong iniutos ng tatay niya sa isang batang paslit na siguro ay kanyang nakababatang kapatid. Natahimik ako, itinigil ang pagsubo ng pagkain, hindi man lang ako huminga kahit konti habang hinihintay ang sasabihin nung bata dahil baka banggitin niya ang pangalan niya. Pero sa laking dismaya ko, ( na dapat ay naisip ko na dahil ito rin ang ginagamit ko ), ang narinig kong sinabi niya ay,

Ate.. tawag ka

Kung bakit kasi masyadong magalang ang mga pilipino kaya may espesyal at sari-sariling tawag pa sa mga kamiyembro ng pamilya. Sana pangalan na lang niya ang sinasabi, sana yung tatay na lang ang tumawag sa kanya dahil malamang ay pangalan niya ang gamitin. Kaya binagalan ko ang aking pagkain nang sadya dahil baka nga naman makatiyempo ako.

At sa wakas ay lumabas ang tatay niya sa kusina, papunta sa kanya. At habang papalapit ay napansin kong akmang siyang may sasabihin, at pinakinggan kong mabuti dahil baka eto na ang pinakahihintay kong sandali, malalaman ko na ang kanyang pangalan. At nagsalita nga ang kanyang tatay..

Anak.. puntahan mo nga yung nanay mo dun…

Haay..

Got’o go, goto me , goto mammy, goto heaven

Naramdaman ko nang kaunti na parang naging kaisa ako sa isang reality-based tv game show. At ang challenge ay ang kumain ng nilagang lamang-loob ng baboy na hinaluan ng kanin para magmukhang lugaw.

Nagsimula ang lahat ng ito sa pagsabi ko ng, “Miss, ‘sang lugaw nga.”

Pero hindi naman sa naninira ako, hindi rin ito parte ng isang malawakang black propaganda laban sa isang kainan na itago na lang natin sa pangalang “lugaw 1″.

Una, hindi ordinaryo ang kulay ng lugaw nila, kulay dilaw. Naninilaw na parang may hepatitis. Naalala ko ang sakit na yellow fever habang sinusubo ang bawat kinutsara sa mangkok. Wala namang silang special promo na may halong zest ng lemon ang mga lugaw nila. Ewan ko kung coloring lang yun.

Iba ang amoy, hindi langhap-sarap na tagline ng chickenjoy, hindi kasi manok ang laman ng goto kundi lamang-loob ng baboy. Iba ang amoy.

Magara ang lasa. lasang lamang-loob.

Hindi man lang ako umabot sa sampung subo. Hindi ko naubos. Kung biyernes ngayon ay baka pinapanood na ang video presentation na ginagawa para sa mga umaalis sa contest.

talo ako, talo.

Hindi talaga ako naninira kahit parang ganun yung ginagawa ko ( Parang si gloria habang sinasabi niya na hindi siya nandaya ). baka hindi lang talaga ako sanay sa ganun, pero kumakain naman ako ng lamang-loob, atay, bituka, dugo, iba lang talaga siguro yung pagkakaluto sa kanila.

Marami namang kumakain dun eh. Mga tricycle drivers, tindera sa palengke, at mga dumadaang mamimili. At isipin mo na lugaw lang ang tinda nila, kalde-kalderong lugaw.

lugawan, lugaw lang