‘Wag ka nang malungkot.

Kim Chiu Bus

Hindi niya makayanang ingiti ang mga labing nakalapat na sa bintana. Nakadungaw sa mundong ginagalawan gamit ang malalamlam na mga mata. Sa hindi sinasadyang sumpa’y mukha niya’y hindi na kailan pa ma’y nilulubayan ng lungkot at pagkabalisa.

Naipon na’ng lahat ng mga luhang hindi matuloy-tuloy sa pag-agos, sa pisnging hindi na muling kakikitaan pa ng siglang nilamon na ng lumbay na hindi matapos-tapos.

Hindi niya mabuklat ang kwadernong naglalaman sa mga salitang nagmula sa itinitibok ng kanyang puso. O anung parusa, dahil ang sarili niyang kamay na hindi maigalaw ang hadlang sa pagbabasa ng mga pahina nito, kaya’t habambuhay na siyang nakatitig, nag-iisip, kung bakit ba tadhana’y siya’y walang-awang nilalaro.

At kung dumating man ang kanyang iniirog, sabihin kung paano. Hindi niya siya malilingon, mahahagkan, at masasabihan na mahal kita, mahal kita, mahal kita sinta ko.

Sinasabi ko sa iyo, hindi kailanman naging pilit ang kanyang lungkot.

Anung una mong nasasambit mo ‘pag nakakita ka nito?

Pila

Ang haba!

O ha, pasok na pasok ito para sa kategorya ng Litratong Pinoy sa linggong ito. Pinoy tayo kaya imposibleng hindi mo naranasang tumayo’t maghintay sa likod ng maraming tao, tama, isang pila. May pila para makakuha ka ng class tuwing enrolment, at kahit para mabawasan ka ng subject ay may pila pa rin. May pila bago makapasok sa mall, pila para makapagtry ng damit sa fitting area, at pila na rin kapag bibili ka na. Pila sa Jollibee kapag nagugutom at pila naman sa cr pag nasobrahan pagkatapos. Pila sa sinehan, sa sakayan ng dyip, at sa kung saan-saan pa. Oo,

Habang may buhay, may pila.

Paggising ko pa lang ay may pila kaagad na dapat ako ang mauna, dahil kahit tatlo lang kaming magkakapatid ay nakapila pa rin kami sa iisang banyo. Ang problema, parehong babae ang kapatid ko at (wala nang kokontra) matagal silang maligo. At kailangang bilisan dahil nagsisimula pa lang ang araw at marami pa akong pilang pipilahan.

Sunod ay sa may MRT na pila, ang mother-of-all-pila, na kapag nalampasan mo ito, kakayanin mo na ang kahit na ano pa mang pila na darating sa buhay mo. Sa may North Ave. station ako sumasakay bandang 7.30 ng umaga at sinasabi ko sa iyo, grabe, sa dami ng tao, nasasakop namin yung dalawa sa tatlong lanes ng kalsada ng EDSA. Bakit kamo ito ang pila above all other pila? Kasi naman, sa isang ordinaryong pila ay nasa harap at likod mo lang ang may tao, e sa pila sa MRT, lahat ng direksyon meron! Kaliwa kanan, harap at likod.

At any point in time ay may walong taong nakadikit sa iyo, parang minesweeper. Sige, bilangin mo next time na sumakay ka tuwing rush hour. Nakakabaliw, sa sobrang nakakabaliw, magsasawa ka na sa kabaliwan at magiging ok ka na at pagkatapos nun ay mababaliw ka ulit. Apat ang hagdanan paakyat sa MRT, apat na beses din uulit ang cycle na yan (Results may vary with metabolism).

Pagkababa ko naman sa MRT ay may pila ulit pagsakay ng bus, yung kinuhanan kong litrato sa taas. Korning pila, diretso, maayos, maaliwalas, hindi pwedeng sumingit! Wala kang magagawa kundi i-embrace ang kahabaan ng kapilahan. Maghintay, maghintay at maghintay pang muli.

At pagpasok ko sa building ng opisina para sa aking ojt, ooops, pila pa rin. Pila naman sa elevator. Ayan, sa loob ng unang tatlong oras sa araw-araw ay matinding pilahan na ang sinusuong ko, grabe. Haaay, paano nga naman ba ang mundong walang pila? Pwede ba yun?

Isang mahabang entry para sa isang mahabang bagay para sa lingguhang kategorya. Opsops, pila-pila lang sa comments ha:)

“Wala kayong natutunan.” – Sir Mong

Lumabas ako sa aming tarangkahan upang mag-abang ng masasakyan. Late na naman ako nito, sigurado. Nakatayo ako habang hinihintay ang traysikel na aking tinawag mula sa may kanto nang dumaan ang isang hindi man kakilala’y pamilyar naman. Matanda na siya’t payat, kulot ang buhok, nakasalamin at nakauniporme. Hindi ko inaasaha’y bigla niya akong binati,

Ikaw ato iyong nag-aaral sa UP ano?

Hmmmm, medyo nagulat naman ako dun. Apat na taon na akong nag-aaral sa eskwelahan na yun pero ngayun lang ata may pumansin. Siguro kasi’y hindi talaga ako kakilala ng mga taga-sa amin dahil hindi ako lumalabas sa tatlumpu’t pitong sulok ng aming bahay.

Opo.

Agad-agad kong isinagot. Dati rati’y kapag napupunta sa usapan ang tungkol sa kung nag-aaral pa ako, ay lagi kong inaantay, with excitement, yung tanong kung saan ako nag-aaral, hehe. Gusto kong sinasabi dati kung saan ako nag-aaral dahil astig. O tingin ko ay astig na nag-aaral ako sa UP. Pero ngayo’y parang hindi na ganun, at ang dahilan kung bakit ay sa mga tanong na ganito,

Port yir ka na di ba, edi gagradweyt ka na?

Natigilan ako dun, hindi ko inaasahan. Maraming pumasok sa aking isipan, ang iskul, ang thesis, at sa puntong iyon ay hindi ko malaman ang aking isasagot. Naguluhan ako, natameme, pero kailangan kong sumagot dahil sa may naghihintay sa aking harapan. Bigla kong sinagot,

O-opo.

Walanghiya, harap-harapan akong nagsinungaling sa isang public elementary teacher (ewan kung naging titser ko siya dati). Unang beses kong pinagsinungalingan ang tungkol aking pagtatapos, dahil kung isang kamag-anak, pinsan, dating kaklase o blog friends ay sasabihin kong delayed ako sa subjects, irregular, may problema, na gagradweyt ako pero hindi on time.

Umalis na siya papuntang eskwelahan, at ako naman ay sumakay na sa traysikel, iniisip kung may homework o quiz sa una kong subject. At nang umandar na ang traysikel ay bigla naman akong tinanong ng drayber,

Nag-aaral ka pa?

Sana hindi niya ako tanungin ulit next schoolyear.

PS: Napag-aralan namin sa Lingguistics class ko ang tungkol sa marshmallow test sa mga bata. Pero yung sa pinanood naming video, ang bata ang pinapasok sa loob ng isang room kung saan may laruan (running train in a railroad system) sa isang table sa gitna at siya ay pinaupo na nakatalikod doon. Sinabihan siyang huwag lilingunin ang laruan at iniwan mag-isa. May mga batang lumingon, meron din namang hindi.

Ayon sa mga researchers na gumawa nung study ang mga batang naging matalino in later years were the ones who looked, and lied about it.