Matulog ka lang mahal ko.

Sa sobrang lamig dito sa loob ng bus ay aakalain mong umuulan sa labas. Malapit nang gumabi at nagsisimula nang dumilim ang kalangitan ngunit hindi ang ating kapaligiran dahil unti-unti na ring nagliliwanag ang mga gusali sa kahabaan ng EDSA. Mag-iisang oras na tayo sa biyahe ngunit malayo pa rin sa bababaan.

Yakap mo ang aking kamay nang mahigpit, ngunit ‘di sing higpit nung nakasakay tayo sa Anchor’s Away kaninang hapon. Panigurado’y kabaligtaran din dahil ang naging tibok na ating mga puso kanina’y naghahabulang parang mga bump cars sa Dodgem at pasirku-sirkong hindi na malaman ang itaas sa ibaba na parang Space Shuttle, pero hindi ngayon. Tahimik. Sumandal ka lang sa balikat ko.

Naramdaman kong nakatulog ka na dahil lumuwag ang pagkakahawak mo sa aking mga kamay na itinaas ko para hindi ka magising na ngawit at siyempre, para na rin mahaplos ko ang iyong mga pisngi. Mahimbing ang naging tulog mo dahil na rin siguro sa kapaguran. Kahit nakapikit ka’y ninais ko pa ring titigan ang mga mata mo at nangiti nang idantay mo ang iyong pinsgi sa likod ng palad ng kamay kong nananatili pa ring nakahawak sa kamay mo.

Hinawi ko ang iyong buhok at muli ay hinalikan kita sa mga labi habang nananaginip ka.

10-second AHT

Text mo ko ha?
???

Panigurado akong naguluhan siya dun. Dahil paano naman niya ako itetext e hindi naman niya alam ang number ko. Well… hindi pa. Grabe, ilang linggo na rin mula nung unang beses ko siyang nakausap. Hindi ko na kaya na ganito na lang, na sa bilang ng tatlo.. dalawa.. isa.

Sige babay na.
Oi! ‘Nung sinasabi… mo?

Inapakan ko na ang gas para kumaripas ng takbo ang kotse kahit na parang may sinasabi pa siyang hindi ko na naintindihan. Bahala na. Nakakahiya na ewan. Sana makita niya. Sayang naman kung hindi. Sana. Sana talaga.

— — kinabukasan — —

Nakahiga na naman akong nakatingala sa kisame habang inaalala ang kanyang mukha. Nabasa kaya niya? ‘Yan ang tanong na kagabi pa umiikot sa isip ko’t muntik na akong hindi pinatulog sa buong magdamag habang pilit pinipigilan ang sarili sa paghihintay sa isang bagay na hindi naman ako siguradong darating.

*toot toot*

Para akong nakuryente sa gulat nang marinig kong tumunog ang phone kong pilit hinagilap dahil napailalim na sa mga unan matapos kong magsawang titigan kung may darating na message. Eto na nga. Nakuryente akong muli nang makita ko na number lang ang lumabas sa display. Syet, wala sa phonebook ko yung nagtext. Mukha akong tangeng napangiti habang itinapat ang hinlalaki sa ‘read’ button.

Pero ayoko pa palang buksan. Continue reading

Hindi pala dapat ako pinanganak

ng April 8. Bakit kamo? Kaunting panimula muna. Ipinanganak ako ika-walo ng Abril taong mil nuwebe siyentos otsenta’t siyete, ilang minuto bago mag alas-nuwebe ng umaga. Ngayong taon ay papatak ito sa Holy Wednesday, ang araw kung kailan nakipagkasundo si Hudas Iscariote sa mga punong seserdote para ipagkanulo si Hesus sa halagang tatlumpung piraso ng pilak.

Naranasan ko nang magdiwang ng kaarawan sa Linggo ng Palaspas, Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria o ‘di kaya’y Pasko ng Pagkabuhay. Minsang makakuha ako bilang regalo ng isang bisikleta nang biyernes ay kinailangan ko pang hintayin ang linggo bago ko ito gamitin dahil paano kung magsemplang ako? Edi hindi gumaling ang sugat ko dahil patay ang Diyos.

Naalala ko lang, may kaklase ako nung kolehiyo na tuwang-tuwa at naiyak pa nga ata nung kinantahan namin siya ng Happy Birthday! sa klase, dahil yun daw ang unang beses na naranasan niya yun. Wala na kasing pasok ang elementarya at sekondarya bago pa man abutan ang kaarawan namin. Bakasyon na lagi. Pero hindi rin naman namin kailangan pa bumili ng iba’t ibang klase ng kendi at irerepack sa supot ng softdrinks para ipamahagi sa buong klase, tipid din.

Miyerkules Santo ang kaarawan ko sa susunod na linggo, naisip ko kanina. E ano kayang araw nung araw na pinanganak ako talaga? Yan nang tinanong ko sa nanay ko. Alam mo kung ano ang sagot niya,

Wala. Magbabakasyon sa Baguio yung doktor ko nun kaya isang linggo bago mag-Mahal na Araw e biniyak na niya ang tiyan ko para ilabas ka at ilagay ka na lang daw sa incubator ng dalawang linggo para wala na raw maging problema sa schedule. Solb!

Hindi yan ang eksaktong sinabi niya pero parang ganun na rin. Tinignan ko nga at nakita ko somewhere sa net na Wednesday bago mag-Palm Sunday ako napagkasunduang iluwal sa mundo. Grabe, ngayon ko lang nalaman ang detalyeng ito ng aking kapanganakan.

So ang OB/GYN ng nanay ko na ba ang sisisihin kung bakit naging mahina ang mga baga ko at kinailangan labanan ang asthma sa loob ng labindalawang taon? Paano na ang mga P.E. at extracurricular activities na hindi ko sinalihan dahil sa kahinaan ko? Paano na yung Jamboree nung Kab Scout ako?

Edi dapat pala e Taurus pala ako, at iba dapat ang naging kapalaran ng aking buhay, hehehe:P

‘Di ka makarelate? Isipin mo, alas-diyes ang pasok mo kaya ang balak mo alas-otso ka babangon. Pero ang mga magagaling mong mga kasama sa bahay na alas-otso ang pasok ay gigisingin ka na kagad bago sila umalis, wala pang alas-siyete nun! Para lang daw sigurado.