Konting bawas naman

Tiangge @ Pandi

Muli na naman akong nagbalik sa pagtitinda sa tiangge ng mga mahahabang maong shorts, curduroy pants, teen blouses, kid’s shirts, at kung anu-ano pang klase ng damit sa sa tingin ng nanay ko e uso. At least, for one day e naranasan ko, na muling baratin ng mga matatandang maybahay ng lipunan, gulu-guluhin at gamitan ng kung anu-anong math tricks para malito’t madulas ako’t mabawasan ang kanilang babayaran, daanin sa charm at sa pangiti-ngiti habang ipinipikit ang mga mata para magmukhang cute at sa huli’y tatawa na para bang ang pagtawad sa presyo’y ang kanilang sariling punch line, kulit-kulitin, takutin, i-intimidate at kung minsan ay i-seduce, mapa-babae man, lalake, o pareho.

Hindi naman na talaga maiaalis sa mga mimimili ang pagtawad. It’s psychological. It’s an art. Parte na ito ng kultura ng konsumerismo at pangangalakal. Pinag-aaralan, itinuturo, isang estilong ipinapasa-pasa sa bawat henerasyon.

I have nothing against haggling, hehe. Pinananatili nitong masigla ang buhay palengke, sa maganda mang paraan o hinde. Mas mabuti naman ito kaysa sa pasibong paraan ng pamimili na nararanasan halimbawa sa isang mall na ang tanging pag-iisipan lang ay kung gusto mo talaga o hindi ang itinitinda. Take it or leave it. Sa tiangge ay idinaragdag ang aspekto ng mapag-uusapang presyo. Parang Deal or no Deal kung saan kasama mong naglalaro ang iyong diskarte at swerte. Sa pamamagitan rin ng pagtawad ay nagkakaroon ng dagdag na interaksyon sa pagitan ng mamimili at manininda, sa barat at galante, sa suki at iniiwasan.

Ewan ko rin, hindi ko pa naman nararanasan na magtinda sa isang mall. Sinubukan kong mag-apply dati sa SM pero full-time job pala at hindi pang-summer lang ang inooffer nila at hindi pa ako 18 nun, hehe. Hindi ako sumusunod sa patakaran ng at ayaw nila yun, siyempre. Haay, sayang=) hehe.

Pero minsan e nakakainis rin ang mga sobrang barat na minsan ay sigurado kaming hindi naman bibili at talagang nanggu-goodtime lang ata. Minsan ay nakakaasar, nakakaloko, at nakakadegrade rin ng morale. Consumers can be harsh, lalo na kung nagkagrupo-grupong parang ralliyistang nag-aaklas upang mapagkalooban ng limampisong bawas sa presyo ng skinny jeans o zaido shirts. Kulang na lang ang mga plakards at ang pagsigaw in chorus. Natakot naman ako sa naimagine ko, hehe.

Pasko na sa Martes kaya’t maraming namimili ng pangregalo sa mga inaanak, damit pamasko at pang-exchange gift. Ngayon ay ang mga matatanda ang namimili, sila kasi ang may pera. Pero makalipas naman ng Pasko ay ang mga bata naman ang may pera kaya mapapansing sila naman ang nasusunod sa pamimili. Maraming tao sa palengke, masikip, magulo, masaya.

PS: Mas maraming bumili ng Zaido shirts kaysa sa Lastikman, haha. Mas marami talagang kapuso kaysa sa kapamilyang tulad namin. Sabi ng nanay ko ay sabi ng nakausap niya ay kaya ganun ay dahil pangit raw ang reception ng channel 2 kaya 7 ang pinanonood nila. Sabi ko naman, “Maganda naman ang palabas”, hehe. Nakita ko rin kanina yung crush ko at buntis na siya, wala lang.

Makapagtinda nga kaya ulit? hmmmm.

There she goes

There she goes again. She runs as fast as she does on my brain, flinging her long, next-to-black hair that never fails to catch my eyes. She mesmerizes me with every step, every turn, everytime. I await endlessly to chance upon her beautiful smile, which she casts with every conversation. How I wish I could the one to make her smile, smile so happily that her eyes would turn crescent?

The closer she gets to me, the faster my heart beats for her.

Nakita ko si Maala

Sumama ako sa pagtitinda sa tiangge kahapon, araw ng linggo, dun sa may lolomboy, bocaue, bulacan. Makailang beses na akong nakapunta sa baranggay na ito kaya kahit papano ay alam na alam ko na rin ang lugar ( pero dun lang sa may parte malapit sa joners ). Paano ba naman, e dito nakatira si Maala ( tsaka dito rin nakatira yung isa ko pang crush dati na ngayon ay nasa amerika na, pero hindi siya parte ng kwento ko ngayon ).

Si Maala, yung nakatabi ko sa upuan nung 2nd grading, 3rd year highshool. Dun kami sa may tabi ng bintana, pang-apat na row mula sa unahan. Tatlo ang upuan, si Anggie sa kaliwa, ako sa gitna, si Maala sa kanan ko. Nung araw na naglipatan ng upuan, ay parang isang ordinaryong araw lang. Hindi ko inakala na iyon ang simula ng isang hindi malilimutang pagkakataon ( kaya kahit paano ay gusto ko ang adviser namin nun, siya kasi ang nag-ayos ng sitting arrangement ).

Hindi ko inasahan na magkakagusto ako sa kanya, pero wala akong nagawa. Nahulog ako sa kanyang personalidad, yung tipong childish na masayahin na makulit. Kahit ngayo’y nakangiti pa rin ako habang inaalala ko siya.

Naging laman na rin siya ng ilang mga naisulat ko na dati at isa rin siya sa mga dahilan ng aking mga tula, dahil kahit na nung 2nd Grading ng 3rd year highschool ko lang sya talaga masasabing nakasama, yung dalawang buwan na yun ang isa sa mga panahong hindi ko malilimutan. Eh kasi naman, nakilala ko ang isa mga babaeng nagustuhan ko nang lubos ( kahit na nung first year hs ay napansin ko na siya ( napansin, ung parang nasagi sa isip ko na “hmmmm, pwede akong magkagusto sa kanya ah”. hehe, nawirduhan ata ako sa sinabi ko. ) medyo nawala siya sa atensyon ko, dahil na rin sa iba ).

Kasama niya ang kanyang mame ( mommy ) at ako, nagbebenta ng maong shorts at t-shirt na pambata. Nung unang beses, nito lang abril ay hindi kami nagpansinan. Nagkita ang aming mga mata pero wala, wala lang.

Pangalawa ay nung sembreak. Nakatayo ako sa harap ng pwesto namin, nakatingin sa malayo, nag-iisip ‘tas bigla akong napatingin sa isang babae sa aking harapan, mga apat na metro ang layo. Nabigla ako dahil sa kanya pala ako nakatingin. Hindi ko kinaya, nagpumiglas ang first instinct ko. Nangiti ako nang sobra ( yung abot tenga ba ), at naramdaman ko ang bagay na matagal kong hindi naramdaman.

Biglang lumakas ang tibok ng puso ko, sobrang lakas na kung prone lang ako ay baka inatake na ako sa puso ( medyo sumakit ang dibdib ko pagkatapos, ganun kalakas, walang halong biro ). Tumigil nang ilang segundo ang oras at pag-iisip ko, at nang bumalik na ako sa kamalayan ay tumalikod ako mula sa pagkakaharap sa kanya. Ayokong makita niya ako, ewan, dahil paniguradong napansin niya ang bigla kong ngiti dahil tingin ko ay nakatingin na siya sa akin nung bago ko pa siya nakita. Pero kahit nakatalikod ay nakangiti pa rin ako nang todo, malakas pa rin ang tibok ng puso.

Naguluhan ako, hindi ko alam kung anong gagawin, kung muli ba akong haharap at babatiin siya o hahayaang dumaan na lang? Wala akong nagawa, gusto ko siyang makita.

Binati namin ang isa’t-isa, hanggang dun lang. Pero pagkatapos ay hindi ko pa rin naialis sa kanya ang aking mga titig. Medyo napansin niya ata na lagi akong nakatingin sa kanya. Kahit wala na siya sa aking harapan ay nakatingin pa rin ako sa kanyang mga nilakaran.

Pangatlong beses ko siyang nakita, nung linggo. Ngayon, ako naman ang unang nakakita sa kanya. At hindi ko alam kung bakit napili kong sadyang hindi na lang siya pansinin. Iniiwasan ko siyang tignan, este mali pala, iniiwasan kong makita niya akong nakatitig sa kanya. Parang dati, nung patay na patay pa ako sa kanya, nung matapos ang 2nd Grading nung 3rd year highschool. Kahit papano, may gusto pa rin ako sa kanya.

Kapag nagpupunta ako sa lolomboy, lagi kong sinasabi na sana makita ko siya. Hindi man yun ang tanging dahilan ko para sumama sa pagtitinda sa tiangge, kahit na, sana makita ko siya, kahit sandali lang.

Wala, naalala ko lang si Maala dahil nakita ko siya kahapon.

Paunawa: Hindi si Maala ang tinutukoy ko sa parte ka pa rin ng aking mga tula at mga recent posts. Huling beses kong sinulat na tungkol sa kanya ay nung nakita ko siya nung abril. Pero kung babasahin mo ang mga una kung mga posts, nung 2004, ay halos siya na lang lagi ang temang naiisip ko. Natigil lang ito nung natanggap ko na wala na kong pag-asa dahil may boyfriend na siya ( sabi nya e ). Pero ngayon, iniisip ko ngayon kung sila pa rin kaya?