paano kaya kung

How?s my driving?
LTFRB Hotline 642-3463
OPRTR (02) 684-9801
Sige, magsumbong ka, sumbungero!

Kung ang karaniwang refrigerator ay may lugar para paglagyan ng itlog, ng mga hotdog at ham, ng mga gulay, at siyempre ng pitsel ng tubig, kaiba siguro na maituturing ang ref namin sa bahay. ( Pero sigurado ako na meron din ibang tulad nito )

Meron kasing sariling shelf sa loob ng ref para sa mga samu?t-saring kemikal at droga.

Bawal galawin!
Dangerous drugs

Ganyan ang eksaktong banner na nakadikit sa shelf na ito sa loob mismo ng ref namin.

At makikita mo ang mga nakahilerang reagent bottles, mga kung anu-anong medisina na kung tatanungin mo ang tawag ay baka ang unang dalawang pantig lang ang makayanan mong bigkasin.

buti na lang at walang bata sa aming malikot ang kamay at mahilig magbutingting, este, buti na lang pala at matanda na ako.

At sa isang pagkakataon ay naging sosyal ang muriatic acid, naka-aircon pa sa loob ng ref, imbis na nakatago sa madilim at iniipis na ilalim ng lababo.

Pero buti na lang at Pharmacy major ang kapatid ko, dahil kung naging biology major siya, baka isang 7-month old na embryo ng kambing na nakalubog sa bote ng pormalin ang bigla na lang makahilera ng iniinom naming malamig na tubig, sa ibaba ng ice cube racks.

Iniisip ko ngayon kung ano ang nasa loob ng ref ng isang nag-aaral mag-embalsamo.

Nung isang araw ay nag-uwi ang ditse ko ng limang lab rats, I mean, literally, lab rats na nakakahon, bente raw ang isa sa recto. At hulaan mo kung saan sila inilipat.

sa aking improvised cd box, tuloy, nakakalat ang mga sari-saring installer ko, cd, vcd, eeprom, dynamic ram, synchronous memory bus, clocked d latches, flip-flops etc.

Nilagyan daw nila ng isang di-pangkaraniwang fungi ang mga nasabing daga at oobserbahan nila kung gaano nila katagal matatagalan ang disease-causing fungi.

Isang araw lang at nagkasugat-sugat na ang balat ng karamihan sa mga kawawang daga. Naalala ko bigla na mga daga ang naging primary agent ng paglaganap ng black death noon na umubos sa halos kalahati ng populasyon ng Europa.

Pero tuturukan naman daw nila ng gamot ang mga kawawang daga kinabukasan. At magbabakasakali na lang kung maaagapan nito ang sakit nila. Nung huli kasing ekperimento nila, namatay ang buong batch ng mga kalunus-lunos na daga.

Nakalagay sila ngayon sa tabi ng t.v. at kani-kanilang lang ay pinakain ko sila ng dinurog na skyflakes.

** as of this posting, (sinulat ko kasi yan last weekend) namatay yung tatlo sa apat na daga, hindi dahil sa fungi kundi dahil nalamigan lang, ( pinaliguan kasi ) yung isa naman, pinakain na lang sa pusa para kunwari namatay rin ng kusa.

positive “daw” ang result sa kanilang eksperimento

lamay, burol, libing, patay

last week, araw ng martes. umuwi ako sakay ng traysikel.

nang makita ko na lang na may nakasabit na itim na tela sa may tarangkahan, sa may kanto ng sulukan. At nakasulat in bold letters ang ngalan ng tatang ko.

meron siyang emphysema, naging dulot ng paninigarilyo noong malusog pa. isang chronic disease, unti-unting pumapatay sa yo. masakit ang pakiramdam, hindi makahinga, na lalong tumitindi sa bawat pagpatak ng segundo.

gigising ka sa umaga, kung nakatulog ka man lang na ang gigisingan mo ay ang sakit, mahirap.

napansin ko lang, natatakot siyang mamatay. Iba sa mga napapanood ko sa telebisyon.

“sige na, iwanan niyo na ako, sagipin niyo ang mga sarili niyo.”

hindi ganun kundi ito;

“tulungan mo ko. hirap na hirap na ako. halika, sandali lang.”

Minsan mahirap mabuhay. pero bakit parang ayaw nating kumawala rito. Siguro dahil alam nating hindi na tayo makakabalik.

Sta. maria, bulacan

ang sumusunod ay isang pag-uusap sa pagitan ng tatay ko at ng isang kasamahan sa palengke

Mang Las: “Balang araw, titingalain din ako ng mga tao.”
Tatay ko: “bakit naman?”

Mang Las: “Sasabihin nila, ‘Hoy! Bumaba ka diyan!’”
Tatay ko: “bumaba sa bilbord? Eh talagang titingalain ka nga.”

Puro daw talaga kalokohan si mang las. Ilang beses rin naikwento ang usapang ito sa iba pang katabi ng pwesto at kahit maka-ilang ulit nang narinig ay may matatawa pa rin. Natawa rin ako nang marinig ko ito.

Matapos ang ilang linggo ay balik palengke na naman ako. Maglalaba kasi ang nanay ko kaya ako muna ang sumama, sa poblacion, pandi.

May bago akong narinig na expression. Narinig ko sa isang medyo may katandaan na na babae. Eto ang dayalogo:

babae: Magkano ba ‘yang sandok mo?
tindero: trenta’y singko lang.
babae: santamariabulacan! ang mahal naman!

Nag-rhyme pa. Ayus, imbis na susmaryosep, santamariabulacan, nangiti na lang ako. Oo nga naman, hindi pa niya nilabag yung utos na ‘thou shall not use the name of the Lord in vain’*.

susmaryosep – pinaikling Hesus maria jose, kumpleto, holy family

pero may kulang pa rin sa araw ko ng sabado, wala yung anak ng tindera dun sa may dulo. kulang talaga, hehe.