Exmas Tree

christmas tree

Matagal na mula nang huling nailabas ang nakatago naming christmas tree. Sa sobrang tagal na noon ay hindi ko na nga maalala kung kailan at ni hindi na nga ito napag-uusapan ngayon, o kahit noong mga nakarang taon. 

Siguro'y kung bubuuin ko ito ngayong pasko ay mas malaki na ako kaysa rito, kung 'di man ay kasing tangkad, kaya hindi ko na kailangang gumamit pa ng silya upang maikabit ang mga tangkay ng plastik na dahon sa kaniyang tuktok. Hindi na rin siguro ako aabutin ng limang hakbang para lang libutin ito habang ikinakabit ang makikinang na pula, berde at puting tali sa paligid nito. Hindi na rin siguro ako magpapatulong pa sa pagkakabit ng mga makukulay na bilog na ornamento't mga pulang foam na mansanas na may kagat na ng mga batang hindi marunong makinig.

At hindi ko na rin siguro kinakailangang tumingala pa, para lang makita ang maliwanag nitong bituin.

Pero kung bubuuin ko man ito'y paniguradong ang mga natitirang dahon ay sapat lang upang matakpan ang hindi hihigit sa kalahati nitong kabuuan at malamang ay hindi rin ito tatayo mag-isa dahil sa pagkakaalala ko'y wala na ang dalawa sa tatlo niyang mga paa.

Mabubuo pa kayang muling ang aming dating Christmas tree?

Madrama ba? hehe. Hindi ko na rin ieeksplika pa kung bakit hindi na kami naglalagay ng christmas tree. Itong entry ay bilang tugon sa tag ni karmi, ang kaisa-isang pinagmumulan ng mga tagged posts sa blog na ito, hehe=) keep them coming! May requirements pang iba yung tag e, pero hindi ko na nagawang sundin pa, sori.

Ako, rocker!?!

komski kuno - Tuyot Na'ng Damdamin (Silent Sanctuary cover)

Audio clip: Adobe Flash Player (version 9 or above) is required to play this audio clip. Download the latest version here. You also need to have JavaScript enabled in your browser.

Rocker

Hinde, wala namang matinong tao na kukuha sa 'kin para kumanta dahil ako lang naman ang makakaatim na makarinig sa aking boses. Pero ang totoo, mahilig lang talaga ako kumanta, kahit sablay-sablay ang tono. Gustung-gusto kong sabayan ang bawat pagbigkas ng mga paborito kong banda sa lyrics ng kanilang mga kanta.

Mahilig ako sa musika. Ewan, basta pagkagising ko sa umaga'y binubuksan ko kaagad ang aking computer para makapagpatugtog. Nakahiligan ko ang tunog ng gitara, ang pintig ng drums, at ang emosyon na nililikha ng himig, ritmo at lyrics. Naging paborito ko ang malulungkot ng mga kantang inaawit ng mga bandang may pagka-rock o punk na impluwensya dahil para bang umiiyak ang electric guitar sa bawat kalabit sa strings. Kumakabog ang dibdib ko sa tuwing papaluin ang drums na para bang pinapatibok nito ang aking puso. Haay, sarap sigurong magkaroon ng isang banda.

Kapag nakakarinig ako ng kantang gusto ko ay nangangati ang dila kong sambitin at sabayan ang mga parteng alam ko ang salita. Dahil parang kulang ang pakikinig, at mas madarama mo ang awit kung ito'y iyo ring kakantahin.

Kaya nga parang hindi ko rin gustong  magkaroon ng portable mp3 player dahil maaasar lang ako kapag gusto kong kumanta ngunit nakakahiya, lalo na kung ako'y nasa bus o dyip. Dahil kapag nasa bahay ay malakas akong kumanta. At wala akong pakialam, hehe. Madalas nga akong napagsasabihan na hinaan ko ang volume ng pagpapatugtog ko at pagkanta na rin=)

Torpe

naipong lahat sa isipan
mga salitang hindi mabitawan
nanatiling tikom sa iyong harapan
animo’y naging tuod sa kinatatayuan

hindi talaga malaman-laman
kung bakit nagsisimulang maguluhan
kapag nakita ka na’y biglang nahihirapan
pagtingin sa mukha mo’y natitigilan

natutulala sa kariktan
ng mga mata mong pinagmamasdan
walang kapares sa kagandahan
bawat galaw nito’y aking sinusundan

hindi ko maiwas-iwasan
habang patuloy kang nasisilayan
lalong humihirap na pigilan
na mahulog ang loob nang tuluyan

iniisip ngayon kung kailan
masasabi sa iyo ang nararamdaman
na sa puso’y ikaw ang siyang nilalaman?