Standing Room Only

Pakiramdam ko ay Muñoz na ang labas nito, sa haba ng nilakad ko mula sa may main building ng SM North EDSA para makapag-abang ng masasakyang bus pauwi. Iniiisip kong pakana ang lahat ng ito ng kabilang establisyemento dahil ilang pink signs rin ang nakita kong nagsasabing may maginhawang bus stop raw sa may tabi ng mall na nagpapaalala sa akin ng Zenki, kung saan nagliliwanag ang mga kalsada’t lumilikha ng isang hugis.*

Mainit ang sikat ng araw sa hapong ito kaya sana’y medyo bago-bago ang masakyan kong bus. Swerte naman at maayos nga ang aircon ng dumating na Philippine Corinthian, at may tv pa. Naupo kaagad ako sa may malapit sa unahan at agad tinignan kung anong pelikula naman ang mapapanood ko, na sana ay hindi Godzilla.

Pero naguluhan ako dahil ang nakita kong ipinapalabas ay si Mother Teresa ng Calcutta, habang siya’y may nagpapakain ng mga mahihirap at palaboy-laboy na mga bata. Kakaiba, naisip ko, relihiyosong konduktor naman ‘to, at mukhang boring e isang oras pa naman ang biyahe ko pauwi.

Mabagal siyang naglalakad nang nakahukot nang bigla na lamang nagsimula ang isang tugtog at siya’y umawit, isang musical, naisip ko. Mabagal lang ang musika sa umpisa ngunit bumilis ito nang bumilis at napatitig na lamang ako nang ang uugod-ugod na madre ay bigla na lamang tumakbo, sumayaw, nagpaikot-ikot, nagtatatalon, at nagpatambling-tambling. Hahaha, isang spoof film!

Hindi ko napigilan ang sarili kong tumawa sa komedyang aking napapanood. At namalayan ko na lamang na hindi pala ako nag-iisa sa pagkatuwa sa pinapalabas.

Hindi ko siya napansin nung ako’y naupo. Mukha siyang kasing-edad at malamang ay estudyante ring tulad ko, bagama’t hindi naka-uniporme. Siguro ay dahil sa kanyang bag at dala-dalang case ng malapad na papel, basta, hindi ko alam ang tawag nila dun.

Sabay kaming natatawa sa bawat bitaw ng punchline dahil bentang-benta ang slapstick at mga ironic, practical, at paradoxical jokes. Sa sobrang engganyo sa napapanood ay nagkakasabihan na rin ng kung anu-anong mga side comments, sabay tawa. Ang isang oras na biyahe’y hindi na namalayang lumipas. Nakangiti ako.

At sakto namang natapos ang pelikula pag-ahon sa may expressway exit. Natigil ang tawanan na napalitan ng katahimikan at kawalan ng kibo. Pinatay na rin ang tv at ako naman ang naghahanda nang bumaba.

Nang napansin ko ang kanyang kakaibang katahimikan na parang ‘di mapakali sa kinauupuan. Nakita ko na lamang na iniaayos niya ang kanyang bag at kinabahan ng maramdaman ang kanyang kamay na dumidikit sa aking tagiliran.

Naramdaman kong parang gusto niya akong hawakan, ang mga daliri niyang unti-unting bumabaluktot upang mahagilap ang aking t-shirt na parang hinahanap ang aking katawan. Agad-aagad tuloy akong napatayo sa aking kinauupuan at nakisiksik at dali-daling lumabas pababa ng bus.

Langyang bakla yan, tsatsansingan pa ako.

*Ang EDSA, North Avenue at Quezon Avenue ang mga kalsadang bumubuo ng Triangle North of Makati. Ilang tatsulok pa ay makakabuo na sila ng simbolong pwedeng gamitin sa Shake, Rattle and Roll 11.

Sinearch ko at ang pelikulang aking napanood pala ay ang Naked Gun 33 1/3: The Final Insult (1994) na binibida si Leslie Nielsen. Minsan ay nakakatsempo naman ako ng maganda-gandang panoorin. Nuong isang taon ata ito nangyari at mukhang naisalaysay ko naman ng eksakto sa aking pagkakaalala.

Miss, sa’n mo gusto?

Araw-araw, maliban tuwing linggo, ay dalawang beses akong sumasakay ng bus, paluwas ng maynila sa umaga at pauwi naman ng probinsya sa hapon. Paminsan-minsan, nalalagay ako sa isang sitwasyon na hindi ako sigurado kung ano ba talaga ang nararapat kong gawin, isang dilemma kumbaga.

Sa bus ay may dalawang hilera ng mga upuan. Kung papasok ka galing sa pintuan sa unahan, yung nasa kaliwa ay pangdalawahan at yung nasa kanan ay pangtatlong tao. Pero alam naman ng lahat na hindi naman talaga pangtatluhan yun kundi ay pangdalawa’t kalahati lang na tao (kung meron mang ganun).

Nakaupo ako dun sa may pangtatluhan, meron akong katabi na isang lalake, ako sa may bandang pasilyo at siya sa may bandang bintana, merong paparating na babae na kasasakay pa lamang at aakmang tatabi sa amin. Eto ang bagay na hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin;

Pauupuin ko ba yung babae sa gitna naming dalawa? Makakaupo siya nang maayos at makakasandal pa dahil hindi ko naman siya gigitgitin. Susubukan kong hindi man lang dumikit ang beywang ko sa strap ng shoulder bag niya kahit sinturon ko na lang ang nakaupo, pero napapagitnaan siya ng dalawang lalake at alam kong may mga babae na hindi komportable sa ganung posisyon dahil hindi naman niya kami kakilala; o kaya ay,

Dun ako sa gitna at siya sa may dulo. Hindi siya napapagitnaan ng dalawang lalake, wala nga siyang katabi sa may kanan niya pero malaki ang tsansang hindi siya makakaupo nang deretso kahit na hindi ako nakasandal, este, sumasandal pala ako pero hindi ang aking likod kundi ang noo kong dinidikit ko sa sandalan ng upuan sa harapan, kahit na iniuusod ko ang pwet ko para bigyan ng espasyo ang balakang niya (na malamang na mas malapad kaysa sa aming mga lalake, pero wala naman akong gustong palabasin dahil sa sinabi kong ‘to) at kahit na gitgitin ko yung katabi pa naming isa sa may bandang bintana na minsan ay halatang mag-aalburoto na.

Naintindihan mo ba ang sitwasyon ko? Hindi ko talaga alam ang gagawin. Tatanungin ko pa ba yung babae?

Kapag matanda, dun ko pinapaupo sa gitna dahil pag dun sa pinakakanan ay baka mahulog pa siya kapag nagbiglang preno yung bus. Sa gitna rin kapag mukhang may asawa na o nasa bandang 30′s dahil wala naman ata silang pakialam sa sinabi ko sa nakaraang dalawang talata. Sa mga teenagers at mga nasa 20′s ako medyo nahihirapan umestima. Dahil hindi ko naman talaga alam ang gusto nila.

Kapag dun ako sa may gitna at siya sa dulo, baka isipin niya na ang damot ko naman sa upuan. Kung siya naman ang nasa gitna, naaalala ko minsan isang beses, napansin ko na parang ang mukha nung babae ay takot at mukhang pagsasamantalahan siya. Edi ang hirap naman nun.

Ano sa tingin mo? Kung ikaw yung babae, san mo ba gustong umupo?

Nakita ko si Maala

Sumama ako sa pagtitinda sa tiangge kahapon, araw ng linggo, dun sa may lolomboy, bocaue, bulacan. Makailang beses na akong nakapunta sa baranggay na ito kaya kahit papano ay alam na alam ko na rin ang lugar ( pero dun lang sa may parte malapit sa joners ). Paano ba naman, e dito nakatira si Maala ( tsaka dito rin nakatira yung isa ko pang crush dati na ngayon ay nasa amerika na, pero hindi siya parte ng kwento ko ngayon ).

Si Maala, yung nakatabi ko sa upuan nung 2nd grading, 3rd year highshool. Dun kami sa may tabi ng bintana, pang-apat na row mula sa unahan. Tatlo ang upuan, si Anggie sa kaliwa, ako sa gitna, si Maala sa kanan ko. Nung araw na naglipatan ng upuan, ay parang isang ordinaryong araw lang. Hindi ko inakala na iyon ang simula ng isang hindi malilimutang pagkakataon ( kaya kahit paano ay gusto ko ang adviser namin nun, siya kasi ang nag-ayos ng sitting arrangement ).

Hindi ko inasahan na magkakagusto ako sa kanya, pero wala akong nagawa. Nahulog ako sa kanyang personalidad, yung tipong childish na masayahin na makulit. Kahit ngayo’y nakangiti pa rin ako habang inaalala ko siya.

Naging laman na rin siya ng ilang mga naisulat ko na dati at isa rin siya sa mga dahilan ng aking mga tula, dahil kahit na nung 2nd Grading ng 3rd year highschool ko lang sya talaga masasabing nakasama, yung dalawang buwan na yun ang isa sa mga panahong hindi ko malilimutan. Eh kasi naman, nakilala ko ang isa mga babaeng nagustuhan ko nang lubos ( kahit na nung first year hs ay napansin ko na siya ( napansin, ung parang nasagi sa isip ko na “hmmmm, pwede akong magkagusto sa kanya ah”. hehe, nawirduhan ata ako sa sinabi ko. ) medyo nawala siya sa atensyon ko, dahil na rin sa iba ).

Kasama niya ang kanyang mame ( mommy ) at ako, nagbebenta ng maong shorts at t-shirt na pambata. Nung unang beses, nito lang abril ay hindi kami nagpansinan. Nagkita ang aming mga mata pero wala, wala lang.

Pangalawa ay nung sembreak. Nakatayo ako sa harap ng pwesto namin, nakatingin sa malayo, nag-iisip ‘tas bigla akong napatingin sa isang babae sa aking harapan, mga apat na metro ang layo. Nabigla ako dahil sa kanya pala ako nakatingin. Hindi ko kinaya, nagpumiglas ang first instinct ko. Nangiti ako nang sobra ( yung abot tenga ba ), at naramdaman ko ang bagay na matagal kong hindi naramdaman.

Biglang lumakas ang tibok ng puso ko, sobrang lakas na kung prone lang ako ay baka inatake na ako sa puso ( medyo sumakit ang dibdib ko pagkatapos, ganun kalakas, walang halong biro ). Tumigil nang ilang segundo ang oras at pag-iisip ko, at nang bumalik na ako sa kamalayan ay tumalikod ako mula sa pagkakaharap sa kanya. Ayokong makita niya ako, ewan, dahil paniguradong napansin niya ang bigla kong ngiti dahil tingin ko ay nakatingin na siya sa akin nung bago ko pa siya nakita. Pero kahit nakatalikod ay nakangiti pa rin ako nang todo, malakas pa rin ang tibok ng puso.

Naguluhan ako, hindi ko alam kung anong gagawin, kung muli ba akong haharap at babatiin siya o hahayaang dumaan na lang? Wala akong nagawa, gusto ko siyang makita.

Binati namin ang isa’t-isa, hanggang dun lang. Pero pagkatapos ay hindi ko pa rin naialis sa kanya ang aking mga titig. Medyo napansin niya ata na lagi akong nakatingin sa kanya. Kahit wala na siya sa aking harapan ay nakatingin pa rin ako sa kanyang mga nilakaran.

Pangatlong beses ko siyang nakita, nung linggo. Ngayon, ako naman ang unang nakakita sa kanya. At hindi ko alam kung bakit napili kong sadyang hindi na lang siya pansinin. Iniiwasan ko siyang tignan, este mali pala, iniiwasan kong makita niya akong nakatitig sa kanya. Parang dati, nung patay na patay pa ako sa kanya, nung matapos ang 2nd Grading nung 3rd year highschool. Kahit papano, may gusto pa rin ako sa kanya.

Kapag nagpupunta ako sa lolomboy, lagi kong sinasabi na sana makita ko siya. Hindi man yun ang tanging dahilan ko para sumama sa pagtitinda sa tiangge, kahit na, sana makita ko siya, kahit sandali lang.

Wala, naalala ko lang si Maala dahil nakita ko siya kahapon.

Paunawa: Hindi si Maala ang tinutukoy ko sa parte ka pa rin ng aking mga tula at mga recent posts. Huling beses kong sinulat na tungkol sa kanya ay nung nakita ko siya nung abril. Pero kung babasahin mo ang mga una kung mga posts, nung 2004, ay halos siya na lang lagi ang temang naiisip ko. Natigil lang ito nung natanggap ko na wala na kong pag-asa dahil may boyfriend na siya ( sabi nya e ). Pero ngayon, iniisip ko ngayon kung sila pa rin kaya?