LP: One Message Received

Unang araw ng training sa trabaho, at siyempre nakagawian na mula kinder pa lang na isa-isang magpapakilala lahat at magsasabi ng kaunting tungkol sa sarili. Ngayong araw ay isang bagay naman na kakaiba ang kailangang ibahagi. Hmmm, kakaiba sa akin… May nagsabi na dati silang nageekstra sa mga telenobela ng GMA7. Meron namang nagpakita ng kakaibang skill at kung anu-ano pa. Ako ba? Hmmm…

I still use snail mail to send love letters…

Naalala ko dahil bumili ako ng ipapadalang card nung umagang yun bago pumasok sa opisina. Siyempre ang unang reaksyon ng iba’y bakit pa, e meron naman nang SMS, email, ym, online chat at internet? Oo, ginagamit ko naman lahat yun, kitang nagamit na namin ni karmi ang Twitter, Brightkite, EarthCaller, Bueno, Google Voice at kung anu-ano pang online apps, hacks at workarounds para makapagpadala ng messages at makapag-usap pero iba pa rin ang sulat.

1 message received.

Masayang mamili ng card. Tatayo ka sa isang hilera sa National Bookstore at titignan isa-isa ang mga cards. Kukuha ng isa, bubuklatin, babasahin ang laman at mangingiti habang naiisip mong binabasa rin ito ng minamahal mo. Iniisip mo ang mga magagandang bagay na isusulat mo at sasabihin sa kanya. Aling card ang sakto lang, tamang naglalarawan ng nararamdaman mo at nilalaman ng iyong damdamin.

Habang pinupuno mo ng mga salita ang papel ng iyong sulat at binubuhos mo ang bawat tinitibok ng puso. ‘Di man agad-agad niyang mababasa, ‘di mo man siya kaharap habang binubuo ang bawat talata, kahit hindi mo man maririnig kaagad ang sagot sa bawat tanong, bawat musta?, i miss you at i love you.. Andun pa rin ang tuwa sa pag-iisip na sa susunod na isang linggo o dalawa’y mababasa na niya ang mga sinulat mo, hihikbi, ngingiti, maaasar, kikiligin, matutuwa at tatawa.

Sa mundong nababalot na ng teknolohiya ay mas nakakasabik na ang mga bagay na pinalitan nito.

To send a letter is a good way to go somewhere without moving anything but your heart.

Phyllis Theroux

Ito ay ang aking entry para sa ika-112 na linggo ng Litratong Pinoy na may temang Teknolohiya. Ang litrato sa itaas ay ang aking Samsung M3510 na may 1 message received galing kay karmi at ang sulat niya sa akin noong ika-14 ng Oktubre 2008, na isa lang sa maraming sulat namin sa isa’t isa.

isang letra

simulan mo ang kanyang ngalan
na matagal ko nang ninais malaman
ilapat ang bolpen sa papel
na kanina ko pa tinititigan

hayaan mong kumalat ang kanyang tinta
upang hubugin ang isang linyang pababa
na may kurba sa dulo pakaliwa
at isang bilog na tuldok sa itaas
bilang panghuli nitong marka.

umpisahan mo ngayon ang pinag-ugatan
ng aking walang hanggang mga tula
sumulat habang masayang inaalala
ang isang hindi malilimutang mukha

sa isang titik, sa isang letra
literal man o hindi sa pagkakaunawa
dahil kung sa ingles lang na salita
ligaya’y sa iyo rin nagsisimula

kwento

“hindi dapat namatay yung lalake sa dulo”

Pinapalipat-lipat ko pa rin ang iilang pahina ng xerox copy ng isang bago na namang imbentong bestseller. Hindi siguro magandang setting ang isang wooden bench sa gilid ng parke sa pagbabasa ng isang madamdaming trahedya ng isang pinagkait, pinaglayo, pinagsinungalingan at pinagkadusta-dustang pag-ibig.

“ano ka ba? mas gumanda pa nga yung ending, tsaka lahat naman ng tao namamatay e”
“Gumanda? kung kelan naman nakilala na siya nung babae, tsaka pa siya namatay, paano naman gaganda yung ending nun?”
“yun nga eh, lalo tuloy naging emosyonal yung istorya, tatatak pa sa isip.”
“masasabi ko lang, amoy telenobela”

Generic naman talaga yung may namamatay na bida sa dulo, sa action films lang ata hindi nangyayari yun. Hmmm, bakit kaya kapag nakikipagpatayan ang bida, hindi siya namamatay pero kapag sa isa namang kwentong wala man lang kahit isang fighting scene, tsaka pa siya nalalagutan ng hininga? Buti na nga lang hindi cancer o leukemia yung naging sakit nung kawawang lalake sa istorya na to.

“Edi ayus, sino ba ang may ayaw sa telenobela? may audience kagad, ayus yun.”
“pero dapat unique, yung bago, fresh, kakaiba, yung wala pang nakakarinig na istorya, yun ang maganda.”
“hmph, hindi ka lang talaga mahilig magbasa ng love stories”

Mga magkababata sa isang malayung probinsya na nagbitiw ng pangako sa isa?t-isa sa ilalim ng isang century old tree na hindi-hindi sila, magkakalimutan. Haay, 2 out 5 ata sa mga telenobela ay sa ganitong tagpo nagsimula. Pero medyo ok na rin, habang binabasa ko ang mga maaanghang na salita ng kontrabida bilang pang-aalipusta sa pinakamamahal na bidang babae, naririnig ko ang malakas na paghampas ng alon sa mga bato. Parang bato ang pag-iibigan nina Maricris at Carlo, hindi natitinag.

“Meron akong parte na hindi maintindihan”
“Alin? yung nung sumulpot yung kaibigang lalaki ni Maan?”
“Hinde, yung kung paanong nagkita na lang sila bigla pagkatapos ng maraming taon.”
“Madali lang ang paliwanag diyan, isang salita lang, tadhana”

Napaisip ako bigla sa mga sinabi niya. May mga naglalarong bata sa tabi, may naglalakad na nagtitinda ng lobo, maraming nag-jojogging, maraming namamasyal, at habang tinitignan ko silang lahat sa isang mabilis na sulyap, iniisip ko kung lahat nang ito ay naitakda na ba talaga bago pa man ito talaga nangyari. Malamig ang hanging umiihip mula sa dagat.

“Maganda no?”
“Huh? alin? ito? maganda, hehe”
“Para kasing malalim ang iniisp mo, siguro ini-imagine mo na na magiging succesful ?tong istorya ko, no?”

Bigla ko na lang naalala na meron pala akong kwento na dapat bigyan ng kaukulang hatol. Maikli lang naman, limang pahina, single-spaced, 11pt-sized arial font. Mas mahirap pala ito kaysa sa mga exam sa math, kasi dito, walang review.

“Hmmm, ok naman ?to, pero tingin ko talaga, hindi dapat namatay yung lalake sa huli.”
“Ok lang yun, wag mo namang masyadong problemahin, tsaka bakit?”

“hindi ka pa naman mamamatay di ba?”