Siya lang ang pwede kong titigan nang hindi ako nagmumukhang tanga.

Malamig sa loob ng classroom.

David, right?
Yes ma’am.

Hindi ako nakapag-aral kaya’t paniguradong wala akong masasagot sakali mang matawag ako. Malay ko ba sa mga inner joins, set divisions at symbolic calculus. Hindi ko rin nasimulang magsulat ng notes para sa klaseng ito, kaya’t nakatago pa rin sa bag ang notebook kong puro drawing lang ang laman.

Naroroon siya sa kabilang dako ng silid-aralan. At hindi ko maiwasang paminsan-minsa’y magawi ang paglingon ko sa kanyang mukha. Nakikita ko siya mula sa aking kinauupuan. At kada tingala ko mula sa aking lamesa patungo sa pisara’y dumadaan muna sa kanya ang aking mga mata. Hindi ko mapigilan ang sarili kong tumigin sa kanya, at punahin ang ayos ng kanyang buhok sa lagpas sa balikat at pisnging may kaunting bahid ng kolereteng rosa.

I will give 10 points to anyone who will answer this correctly, anyone?

Hindi na ako halos nakikinig na sa pinag-aaralan. Lalo kasing nagiging mahirap ang mga konsepto, lumalawak, gumugugulo. Bahala na lang sa exam na sa susunod na sabado na ata. May maisasagot naman siguro ako kahit na paano. Nakikinig naman ako kahit sandali, nakikibasa kahit kaunti, nakikiaral kahit sasaglit.

Mas natutuon na tuloy ang aking atensyon sa kaniya, na nuong una’y hindi ko inakalang makikita ko sa klaseng ito, makakasama. Minsan-minsa’y napapatingin din siya sa direksyon ko o sa aking katabi, na kung magkatao’y nakikita ko siyang nakatingin sa akin at ako’y kung hindi man mapalihis kaagad ng tingin pababa sa lamesa, ‘di kaya’y matigilan sa pagkakatitig sa kaniya sa hindi kaagad pagkakapuna na ako pala’y kanyang nakikita na.

How would the query statement go… Arvin.

Nabasa niya ang sagot mula sa pagbukas ng aking bibig. Syet, kilala niya ko. Ngunit sa pagbanggit niya sa aking pangalan ay hindi siya nakatingin sa akin, bakit? Walang oras upang mag-over analyze, kailangang magsalita.

Class where not room = “MH309″

Nagpatuloy siya sa itinuturong aralin, at ako naman ay nakatingin pa rin sa kaniya, sa bawat bukas ng kanyang bibig, sa pagpikit ng kanyang mga mata. Seryoso ang kanyang ngiting naiiba sa aking nakikita sa karamihan, at nakakatuwa ang mga birong nakakatakas sa pagitan ng pagsulat sa pisara at pagtatanong sa amin. At sa aking sobrang pag-iisip ay napalingon ako sa aking katabi’t naitanong,

May asawa na ba talaga si Ma’am?
Bakit, interesado ka?

Walang patumpik-tumpik kong sinabing,

Oo.

My linguistics instructor makes me want to teach.

Because the deadline for dropping is this Friday already, we would be checking your exam papers today ’cause I won’t be able to handle all of them by myself.

Ano daw, ichecheck namin yung papers sa exam? Siyet, e hindi pa naman ako nag-aral dun. Nakakahiya naman sa magchecheck, langya. Ang dami-dami naman kasing readings na inassign para sa exam na yun, e hindi lang naman yun ang subject na sabay-sabay nag-eexam nang isang linggo bago matapos ang dropping period. Sana check your own papers na lang, sana.

I’ll display the answers onto the projector. Get your own answer sheets and don’t let me catch you cheating. You know the rules.

Yes, buti na lang, hehe. Hula ko marami-rami din ang mali ko, pero sana pumasa pa rin. Pero parang kinakabahan ata ako sa mga sagot ko ah. Hindi rin masyadong mataas yung una kong exam kaya dapat e kahit pumasa man lang ako. Para mabawi yung dati. Kung bakit naman kasi wala nang ibang makuhang subject, eto pang alam naman ng lahat na mahirap. Puchang CRS yan.

A-C-C-A-B… ah.. A-C-C-A-B. C-A-B-B-D… C-A-B-B-D. Pucha, apat kagad ang mali ko. E and dami-dami pa nito. C-A-B-D-A… C-A-B… Tangna, babagsak ako nito, tangna.. shet. Teka tsekan ko nga muna yung mga tama, tangina, ayokong bumagsak. D-A. B-A-C-D-A… B-A-C-D-A… D-D-A-C-B…

(Makalipas ang ilang minuto)

Pucha bagsak ako, hindi pwede. Mahihirapan na ako makabawi sa susunod. Shet, hindi pwede ‘to, kailangang may gawin. Ipapasa ko lang ‘to, yun lang, ok lang yun. Hindi pwedeng bumagsak, asar. Buti hindi siya lumilibot. Hindi rin tumitingin dahil may ginagawa sa laptop. Asar pala siya e, magbibigay ng sangkatutak ng readings ‘tas ang hirap-hirap pa ng exam, langya. Para lang pumasa.

Alin ba dito? 4-B. Buti na lang ito pa rin ung bolpen na ginamit ko sa exam, hindi mahahalata ‘to, langya. 21-D. Utot pala siya e, pinagcheck pa niya sa amin, tamad. 34-A. Konti lang ‘to, hindi ‘to mahahalata, e ano kung may mga bura ‘to? 40-A. Ang dami-dami namin, hindi na niya matatandaan kung sino lang ang may bura. Last na, 49-B.

(Makalipas ang ilang minuto)

Hinde, hindi niya mahahalata. Sana. Hinde, hindi niya ‘to malalaman, pucha. Ang hirap-hirap ng exam e, utot pala siya e.

Everyone finished? Ok, If any of you decides to drop, just give me the teacher’s copy of the dropping slip for it to be official. And, you can get the new set of readings from the copy girl at the ground floor, just besides the stairs. You can go.

Langya, readings na naman? Ni hindi man lang nagtenkyu e tinulungan na nga namin siya sa trabaho niya. Pucha talaga ‘to.

Oh by the way, just so you know, I photocopied your answer sheets yesterday, so I could check if anybody did something that the student tribunal might be interested to know. I’m just at my office if anyone needs to consult, thank you.

“Wala kayong natutunan.” – Sir Mong

Lumabas ako sa aming tarangkahan upang mag-abang ng masasakyan. Late na naman ako nito, sigurado. Nakatayo ako habang hinihintay ang traysikel na aking tinawag mula sa may kanto nang dumaan ang isang hindi man kakilala’y pamilyar naman. Matanda na siya’t payat, kulot ang buhok, nakasalamin at nakauniporme. Hindi ko inaasaha’y bigla niya akong binati,

Ikaw ato iyong nag-aaral sa UP ano?

Hmmmm, medyo nagulat naman ako dun. Apat na taon na akong nag-aaral sa eskwelahan na yun pero ngayun lang ata may pumansin. Siguro kasi’y hindi talaga ako kakilala ng mga taga-sa amin dahil hindi ako lumalabas sa tatlumpu’t pitong sulok ng aming bahay.

Opo.

Agad-agad kong isinagot. Dati rati’y kapag napupunta sa usapan ang tungkol sa kung nag-aaral pa ako, ay lagi kong inaantay, with excitement, yung tanong kung saan ako nag-aaral, hehe. Gusto kong sinasabi dati kung saan ako nag-aaral dahil astig. O tingin ko ay astig na nag-aaral ako sa UP. Pero ngayo’y parang hindi na ganun, at ang dahilan kung bakit ay sa mga tanong na ganito,

Port yir ka na di ba, edi gagradweyt ka na?

Natigilan ako dun, hindi ko inaasahan. Maraming pumasok sa aking isipan, ang iskul, ang thesis, at sa puntong iyon ay hindi ko malaman ang aking isasagot. Naguluhan ako, natameme, pero kailangan kong sumagot dahil sa may naghihintay sa aking harapan. Bigla kong sinagot,

O-opo.

Walanghiya, harap-harapan akong nagsinungaling sa isang public elementary teacher (ewan kung naging titser ko siya dati). Unang beses kong pinagsinungalingan ang tungkol aking pagtatapos, dahil kung isang kamag-anak, pinsan, dating kaklase o blog friends ay sasabihin kong delayed ako sa subjects, irregular, may problema, na gagradweyt ako pero hindi on time.

Umalis na siya papuntang eskwelahan, at ako naman ay sumakay na sa traysikel, iniisip kung may homework o quiz sa una kong subject. At nang umandar na ang traysikel ay bigla naman akong tinanong ng drayber,

Nag-aaral ka pa?

Sana hindi niya ako tanungin ulit next schoolyear.

PS: Napag-aralan namin sa Lingguistics class ko ang tungkol sa marshmallow test sa mga bata. Pero yung sa pinanood naming video, ang bata ang pinapasok sa loob ng isang room kung saan may laruan (running train in a railroad system) sa isang table sa gitna at siya ay pinaupo na nakatalikod doon. Sinabihan siyang huwag lilingunin ang laruan at iniwan mag-isa. May mga batang lumingon, meron din namang hindi.

Ayon sa mga researchers na gumawa nung study ang mga batang naging matalino in later years were the ones who looked, and lied about it.