Aking magulong mundo.

Ewan ko talaga kung paano ko ikukwento ‘to. Medyo mahabang paliwanagan din kasi. Mahaba, magulo, kumplikado. Kahit ako hindi ko alam kung naiintindahan ko nang lubos ang mga naging desisyon ko at umaasa na lang ako na sana nga e tama itong mga ginagawa ko sa buhay ko.

Hindi ako nag-enrol ngayong semestre. Hmmm, ang safe naman ng pagkakasabi ko. Ayoko na muna mag-aral. Ayan, mas may dating.

Ika-limang taon ko na sa kursong apat na taon lang dapat kinukuha. Nagkaproblema kasi ako at marami nga. Nagsimula sa patikim-tikim hanggang sa unti-unting lumalim. Tipong ganun, pero hindi ko ito ginusto. May mga klase akong hindi pinagtuunan ng pansin, yung mga minor subjects. Long history, nagsimula nung unang semestre ko pa lang sa eskwelahang parang gusto kong pagsisihan kung bakit ko pinasok.

Pasensya na sa inyong lahat. Nasayang ang buwis na ibinayad para sa pagpaparal sa akin. Hindi bagay ang kalayaang hatid ng unibersidad sa aking personalidad. Ewan, pero ang masisisi ko lang naman talaga e ang sarili ko. Hindi ako nagbago, hindi ako nakiayon, at hinayaan ko na lang na magkandaloko-loko ang sitwasyon ko hanggang sa umabot ako sa ganito.

Tatakas ako mula sa isang bagay na hindi ko matatakasan. Pero wala kasing mangyayari kung ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko. Sigurado akong lalo lang mabubulilyaso, lalong lalala at yun ay kung may mas ilalala pa sa kasalukuyan nitong estado. Nawalan ako ng interes, at lalayo ako sa pagbabakasakaling muling bumalik ang pagnanais kong pumasok sa loob ng klasrum upang mag-aral.

Under construction ang daan patungo sa aking graduation at wala ang construction workers na gumagawa nito na ako ang namamahala. Mag-iiba muna ako ng daang bubuuin. Ibang kalsada muna ang aking tatahakin.

Hindi sapat ang isang post para ipaliwanag ko ng lubos, na hindi ako sigurado kung kaya nga. Sa Biyernes mag-uumpisa ang training ko sa isang trabahong ‘di ko dati ninais pasukin. Ang trato ko sa trabahong ito ay tulad ng trato ko sa sponsored reviews, philippine politics, business pyramiding, at kursong nursing. Pero wala e, kung tatakas ako, mas maganda kung mabilis.

NCO Group, sa may building ng ABS-CBN. Ayus, araw-araw kong matatanaw ang mga dyip papunta sa unibersidad. Makakasalubong ko pa rin ang mga mag-aaral na nakasuot ng siglo strap sa ID.

Kung iisipin, pati ba naman diploma, ika-cram ko pa rin?

Minsa’y ang mahalaga ang hindi napupuna.

Magiging masaya, mapangarap, mahirap, matrabaho ang aking bakasyon– ooops, hindi pala ito magiging isang bakasyon dahil ako ay sasailalim sa isang on-the-job training. Late na kaming dumating sa may conference room, dito sa ikapitong palapag ng Net Square building, Fort Bonifacio [map]. Yang sa wikimapia ang aking pilit tinandaan bago kami unang beses pumasok sa kumpanya. At oo, naligaw kami, hehehe, konti lang naman.

Basta malapit sa may McDo.
Teka, nasan ba yung 28th Street?
Ewan, uy uy kumakaliwa tayo.
Bababa na ba? Saan ba kasi?
Oi bumukas na yung pinto, baba na tayo tara bilis!

Naniniwala pa rin ako sa bumaba-pagbukas-ng-pinto rule, dahil kahit hindi man ito ang pinakamainam na gawin, safe ka naman. Malay mo hindi na ulit bumukas yun at habambuhay na kayong nagpaikot-ikot sa paligid ng The Fort?

Ang layo. Doble ata ang layo nito sa karaniwang tinatahak ko mula sa amin papuntang iskul. Gudluck sa pagiging isang prominenteng late-comer. Alas-otso ang pasok kaya gudluck sa biyahe, lalo na sa bandang North Avenue station ng MRT. Dati rati ako’y namamangha lamang habang nakaupo sa loob ng bus at nakatanaw sa mga nagsisiksikan, naggigitgitan, at hindi makahulugang-kara– hmmm, at hindi makahulugang-butas ng karayom na dami ng tao na sasakay. Grabe.

Malay ko bang makikiisa na ako sa kabaliwang ito? Ang mangyayari’y sa kalahatian pa lang ng biyahe ay bagsak na ang katawan ko. Pero ang mainam sa lahat ng ito, naka-aircon ako buong summer, woohoo! Hehehe. Yun nga lang, gudluck pagkauwi sa bahay. Paniguradong diretso na ako kaagad sa kama para makapagpahinga, ‘tas gising na lang ng 12 ulit para makapag-online, di ba carme? Hehe.

Ah, magkano po yung magiging allowance namin?

This was the moment of truth. Pinagpalit ko yung isa pang kumpanya na tumanggap din sa akin para dito, hehe. Kaya dapat mas malaki ang sweldo:) Malaking factor din naman kasi di ba? Sino ba naman ang hindi gusto ang malaking sweldo?

Nagkangitian kami, pero mas malaki ang ngiti niya, ang HR manager ng kumpanya. Hinihintay namin ang kanyang sagot, tahimik kaming nakinig sa susunod niyang sasabhin.

… Allowance niyo? … Surprise na lang yun!:D … …

Nasurprise kami sa kanyang sagot (oh yes, the irony). Kung bakit naman sa lahat ng pwedeng itagong aspeto nitong ojt ay yung sweldo pa ang napili niya. Pwede namang:

Surprise! Actually hindi kayo magpoprogram, marketer kami ng sabon at kayo e ipapakalat namin sa makati business area para maglako ng mga pampaputi na sabon, summer pa naman kaya in na in ‘to.

Ganun, ayun, surprise talaga yun. Pero surprise ang sweldo? Sana lang masayang surprise yun:D

Baka naman iniisip mo kung anu yung tinutukoy ko na mahalagang bagay na baka hindi napupuna. Hmmm, baka lang naman, kasi kung titignan mo yung location bar sa taas, wala ka na sa tim.kundiman.net, kundi ay nasa kundiman.net ka na.

O ha, kundiman.net na ako, hehehe. Salamat sa regalo carme:D

Kaya paki-update naman yung may mga links sa akin, hehe:) Hmmm, mga lima lang naman yun alam ko, hehehe.

Update April 8, 2008 12:00 am: Sa mga naghahanap ng isang birthday post, dahil birthday ko, a pumunta lang sa entry ni carme ko:D *yakap!*

Konting bawas naman

Tiangge @ Pandi

Muli na naman akong nagbalik sa pagtitinda sa tiangge ng mga mahahabang maong shorts, curduroy pants, teen blouses, kid’s shirts, at kung anu-ano pang klase ng damit sa sa tingin ng nanay ko e uso. At least, for one day e naranasan ko, na muling baratin ng mga matatandang maybahay ng lipunan, gulu-guluhin at gamitan ng kung anu-anong math tricks para malito’t madulas ako’t mabawasan ang kanilang babayaran, daanin sa charm at sa pangiti-ngiti habang ipinipikit ang mga mata para magmukhang cute at sa huli’y tatawa na para bang ang pagtawad sa presyo’y ang kanilang sariling punch line, kulit-kulitin, takutin, i-intimidate at kung minsan ay i-seduce, mapa-babae man, lalake, o pareho.

Hindi naman na talaga maiaalis sa mga mimimili ang pagtawad. It’s psychological. It’s an art. Parte na ito ng kultura ng konsumerismo at pangangalakal. Pinag-aaralan, itinuturo, isang estilong ipinapasa-pasa sa bawat henerasyon.

I have nothing against haggling, hehe. Pinananatili nitong masigla ang buhay palengke, sa maganda mang paraan o hinde. Mas mabuti naman ito kaysa sa pasibong paraan ng pamimili na nararanasan halimbawa sa isang mall na ang tanging pag-iisipan lang ay kung gusto mo talaga o hindi ang itinitinda. Take it or leave it. Sa tiangge ay idinaragdag ang aspekto ng mapag-uusapang presyo. Parang Deal or no Deal kung saan kasama mong naglalaro ang iyong diskarte at swerte. Sa pamamagitan rin ng pagtawad ay nagkakaroon ng dagdag na interaksyon sa pagitan ng mamimili at manininda, sa barat at galante, sa suki at iniiwasan.

Ewan ko rin, hindi ko pa naman nararanasan na magtinda sa isang mall. Sinubukan kong mag-apply dati sa SM pero full-time job pala at hindi pang-summer lang ang inooffer nila at hindi pa ako 18 nun, hehe. Hindi ako sumusunod sa patakaran ng at ayaw nila yun, siyempre. Haay, sayang=) hehe.

Pero minsan e nakakainis rin ang mga sobrang barat na minsan ay sigurado kaming hindi naman bibili at talagang nanggu-goodtime lang ata. Minsan ay nakakaasar, nakakaloko, at nakakadegrade rin ng morale. Consumers can be harsh, lalo na kung nagkagrupo-grupong parang ralliyistang nag-aaklas upang mapagkalooban ng limampisong bawas sa presyo ng skinny jeans o zaido shirts. Kulang na lang ang mga plakards at ang pagsigaw in chorus. Natakot naman ako sa naimagine ko, hehe.

Pasko na sa Martes kaya’t maraming namimili ng pangregalo sa mga inaanak, damit pamasko at pang-exchange gift. Ngayon ay ang mga matatanda ang namimili, sila kasi ang may pera. Pero makalipas naman ng Pasko ay ang mga bata naman ang may pera kaya mapapansing sila naman ang nasusunod sa pamimili. Maraming tao sa palengke, masikip, magulo, masaya.

PS: Mas maraming bumili ng Zaido shirts kaysa sa Lastikman, haha. Mas marami talagang kapuso kaysa sa kapamilyang tulad namin. Sabi ng nanay ko ay sabi ng nakausap niya ay kaya ganun ay dahil pangit raw ang reception ng channel 2 kaya 7 ang pinanonood nila. Sabi ko naman, “Maganda naman ang palabas”, hehe. Nakita ko rin kanina yung crush ko at buntis na siya, wala lang.

Makapagtinda nga kaya ulit? hmmmm.