Walang hanggang dalampasigan.

beach

Arviiiin, may nakita akong hermit crab kanina, kaya lang nakawala e. Nabitawan ko kasi nung lumabas siya sa shell.

Naka-pout ang kanyang mga labi at nangingislap ang mga matang animo’y malapit ng maluha. Para lang isang anime character at oo, ang cute niya. Malayo pa lang ay nakita ko na siyang inaantay akong makalapit sa kanya, pero siyempre kunwari’y hindi ko inaasahan na may sasabihin siya.

Sayang kasi ngayon lang ako nakakita talaga nun…

Eto na, tumigil na siya sa kanyang pagkukwento at hinihintay na niya ang aking sasabihin. Tumingin ako sa may beach at nakita ko ang init na sumisingaw mula sa nakakasilaw na buhangin. Hapon pa naman at kakakakain lang namin ng tanghalian, huling stop bago tumuloy pauwi mula sa educational trip na ito ng aming eskwelahan.

Tumingin ulit ako sa kanya.

Tara, sa’n ba nawala?

Ang lungkot sa kanyang mukha’y biglang napalitan ng saya. Ngiti niya’y naging mas matingkad pa sa araw. Haay, paano ko naman matitiis ang isang katulad niya? E kitang tatlong taon na akong may gusto sa kanya. Kaya kahit pa mababawasan ng ilang units ang hex values ng kulay ng aking balat. Ay niligid namin ang kahabaan ng dalampasigan.

Sa aming paghahanap at napangalanan na namin ang maliit na crustacean na iyon, Fermit the Crab, na ewan ko kung halatang hango sa Kermit the Frog. Siya ata ang nakaisip nun. Malungkot nga lang dahil hindi na namin ito nakita pang muli, o kahit man lang isa sa mga kamag-anak niya, sayang.

Pero masaya pa rin, dahil nakasama ko naman siya sa pamamasyal, sa pagmumulot ng mga kabibe’t mga batong may kulay. At tingin ko naman ay nasiyahan din siya. Hmmm, naaalala pa kaya niya ito?

Ito ang aking tubig entry para sa Litratong Pinoy. Ang litrato any kinunan sa isla ng Corregidor, taong 2004, salamat sa aking kaibigan na siyang kumuha nitong litrato habang nakatalikod kami.

Update (10 mins after): ngayon ko lang naalala na may dalampasigan category sa hulyo, haay, saan naman ako hahanap ng beach sa ganung panahon? Hehe, oh well.

Pangkulay ng buhok

ang tilamsik ng tubig na mula sa paglapat
ng mga mabibigat na yapak
sa basang kalsadang inaagusan
ng papalakas na ulan
ay agad-agad ring humahalo’t
sumasabay sa landas
ng sanga-sangang daan ng paghihiwalay

sa pagsambit mo ng mga katagang “Paalam.”
at sa unti-unti mong pagtalikod sa aking harapan
ay pilit kong ngiti mo’y hanggang
sa huling sandali’y muli pang pagmasdan

ang tuloy-tuloy mong paglisan
at sunud-sunod na papalayong hakbang
ay parang isang napakagandang larawan
na aking walang magawang pinagmamasdan
habang ito’y unti-unting nabubura’t
tuluyan nang naglalaho
at nakikita ko na lang ang aking sariling
nakatitig sa iyong kawalan

ngunit kahit ilang beses ko pang
paulit-ulit na ipinta
ang isang magandang larawan
na imahe mo ang nagbibigay halaga
at kahit paulit-ulit din itong mabura,

hahawakan ko pa ring mariin itong brotsa,
iipunin ko ang natitirang pintura
at muling magsisimulang puminta

Dalawang taon na ang lumipas nang isinulat ko itong tula. At dati nung hinagilap ko lahat ng mga isinulat ko’y nalaman ko na wala pala akong kopya nito, dahil ang tanging kopya kung saan ko ito isinulat ay ibinigay ko sa kanya (pinost ko rin ito sa komski.blogista.com pero nawala naman yun at wala akong backup). Pagkalipas ng dalawang taon ay muli ko itong nabasa, dahil isinulat niya ako ng isang kopya.

Minamahal ko siya.

Lunurin

ang misteryong bumabalot sa iyo’y
nakadaragdag sa iyong kagandahan,
sa pananabik sa mukha mong
walang anumang kasiguraduhan.

ang itsurang hindi mabatid ninuman
ay tanging sa panaginip pinupunan.

sa lahat ng aking mga katanugan,
sino, saan, paano, kailan?
ilaan mo sana ang kasagutan
dahil sa aking mga pinapangarap,
ikaw ang siyang lubos na katuparan.

ang mga mata mong hindi nasisilayan
ay nagniningning rin bang parang
mga tala sa kalangitan?

ang boses mong hindi napakikinggan
siguro’y parang pagtawag ng kanyang ina
sa isang anak na naliligaw.

na marinig lang ang pagsambit mo
sa aking pangalan,
lahat ng aking kinakatakutan
nawawala, naglalaho, lumilisan.

haplos mo ba’y yakap sa kalungkutan?
ngiti ba’y liwanag sa kadiliman?
halik mo ba’y kasing sarap ng tubig
sa katawang bilad na naaarawan?

maisasalba mo ba ang pusong nalulunod
sa karagatan ng kagandahan mong hatid
sa isang sa ilog lang naranasang lumangoy?

hahayaan mo ba akong tangayin ng iyong alon
at sa iyong kalaliman ako’y malamon?
o magtatampisaw na lamang
sa laan mong dalampasigan na bukana lang
ng tunay na taglay mong kaligayahan?