Apat na araw

Nanaginip ako kagabi,

Na lumilipad daw ang mga tao, at sa kanyang nais ay naiaangat niya ang kanyang katawan mula sa sahig papunta sa kalawakan. Nanaginip ako kagabi, na sa mundong ating tinitirhan ay walang sulok na hindi makakayanang maabot; na ang dito at sa kahit na ano pang maisip mong doon ay matatahak nang walang kahirap-hirap.

Nanaginip ako kagabi, na walang layong hindi mararating; at sa dalawang magkaibang lugar ay oras lang ang siyang namamagitan.

Na mapupuntahan ang kahit na ano pa mang bansa, lalawigan o bayan kung nanaisin mo lamang; Walang balakid na bundok, burol, lawa o karagatan sa paglalakbay. Nanaginip ako kagabi,

sa aking kahilingang makasama kang muli.

At sa unang pagkakatao’y nadama kong humihiwalay ang mga paa ko mula sa lupang aking kinatatayuan, sa mundong kinukulong tayo sa magkahiwalay at magkalayong lugar. Nanaginip akong lumilipad akong nakapikit, dahil gusto kong mamulat ako sa mukha mong nakangiting sumasalubong sa aking pagdating. Nanaginip ako kagabi,

at ngayong paggising ko’y tutuparin mo na ang aking panaginip.

Paghihintay

Tatlong buwan, isang linggo
bago pa man ang layo’y muling magtagpo
at ang puwang sa gitna ng iyo at ako
ay muli pa sanang maglaho.

Tatlong buwan, isang linggo
ang nalalabing panahon bago
ang mahal kita at mahal mo ako
ay masasambit ng ating mga puso.

Tatlong buwan, isang linggo
o mahigit walumpung milyong segundo
na nabawasan na ng isang libo
sa pagsusulat ko sa tulang ito.
At kung mula ngayon hanggang Marso
ay tula lang para sa iyo ang gagawin ko,
halos walumpung libo’ng aking mabubuo.

Asahan mong maghihintay ako
ng tatlong buwan, isang linggo.

Dreamplace

Sa pagtulog ko’y siya namang paggising niya at sa pagsara ng mga mata ko sa gabi’y siya namang pagdilat ng sa kanya sa umaga, dahil sa kung tuwing pagtingala ko sa langit ay para bilangin ang mga bituing ‘sing dami ng mga oras bago ko pa man siya makita ay ang haring araw naman ang sa kanyang kalangitan na sa ulunan niya’y ang matinding sinag nito ang madarama.

Sa parehong oras ay liwanag ang bumabalot sa kanya samantalang kadiliman naman ang yumayakap sa akin, sa aking pag-iisa.

Ngunit dito sa kundiman ang oras ay balewala, sapagkat hindi ito nakagapos sa bawat pagpatak ng segundong hawak ng mga kamay ng orasang mapandikta. Dito sa kung saan kami’y malayang nakakapagsama, napagsasaluhan ang oras na ‘di alintana ang pagkakaiba sa pagiging gabi o umaga, ng sa silangan o kanlurang ng mundong sa magkabilang dulo nito’y kami’y nakatira.

Ang kundiman ay isang panaginip na sa lumao’y maisasakatuparan.

O ha, dapat ito yung post namin nung araw na binago ko yung theme. Kasi naman tignan niyo ang header, night and day, ‘tas may dalawang tao sa magkabilang panig ng page, sakto sa aming dalawa ni karmi, hehehe:P Pero ginamit na din ni karmi ‘to dati para sa idlip.net, ang pinagkaiba nga lang ngayon e may deeper meaning na:D